PatrolPH

PANOORIN: Maja Salvador, 'ka-Probinsyano' forever

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2021 12:35 PM | Updated as of Sep 02 2021 03:30 PM

MAYNILA -- Muling binalikan ng aktres na si Maja Salvador ang alaala bilang parte ng sikat na serye ng ABS-CBN na "FPJ's Ang Probinsyano," na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Sa video na inilabas ng Dreamscape Entertainment sa social media nitong Miyerkoles, ibinahagi rin ni Salvador ang pagbati para sa kanyang mga "ka-Probinsyano" sa pagdiriwang ng ika-6 na taon ng serye.

"Ako si SPO1 Glenda Corpuz, ang pards ni Cardo. Ang kaisa-isa niyang best friend na babae na nagkagusto sa kanya ngunit hindi masuklian ito ni Cardo," ani Salvador.

"Sa aking mga ka-Probinsyano, kay Coco at sa lahat ng bumubuo ng 'Ang Probinsyano,' congratulations and happy, happy anniversary," dagdag ni Salvador.

Matatandaang noong Agosto 4, 2016 natapos ang pagganap ni Salvador sa "Ang Probinsyano" nang magdesisyon ang kanyang karakter na umuwi sa Botolan para alagaan ang kanyang may sakit na ina.

Maituturing si Salvador bilang isa sa mga orihinal na bituin ng serye na naiugnay din sa bidang karakter ng serye na si Cardo. Kalauna'y naitambal ang karakter ni Salvador kay Jerome Girona, Jr. (John Prats).

Sa nakaraang panayam kay Martin, hiling nito na muling makabalik sa serye si Salvador.

Mapapanood ang seryeng "Ang Probinsyano" sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, TV5, CineMo, iWant TFC, TFC, WeTV, at iflix.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.