PatrolPH

Candy Pangilinan, napaiyak dahil sa anak

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 11:48 AM | Updated as of Aug 30 2017 12:51 PM

MANILA -- Bumuhos ang luha sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, sa pagbabahagi ng kuwento ng komedyanteng si Candy Pangilinan tungkol sa kanyang buhay bilang ina sa isang anak na may autism.

Pag-amin ng aktres, hindi naging madali ang pagpapalaki sa kanyang anak na si Quentin.
 
"Kunwari may birthday party, tapos maglalaro lahat ng bata, si Quentin nakikitakbo. Kapag dalawa lang sila maglalaro sila; kapag dumami na sila, makikita mong iniiwan. Hindi ako nagagalit sa mga bata kasi mga bata sila. Kasi ang nangyayari naiintindihan ko na hindi nila naiintindihan the way na magsalita, kaya siguro di sila nakikipaglaro," ani Candy habang tumutulo ang luha.

Isang hamon din kay Candy ang pinansiyal na aspeto para matugunan ang pangangailangan ng kanyang anak.

Bumuhos muli ang luha ni Candy kasama ang hosts ng "Magandang Buhay" na sina Melai Cantiveros, Jolina Magdangal at Karla Estrada, sa reaksiyon niya sa simpleng liham na ibinigay sa kanya ng anak.

"Naiiyak ako kasi natutuwa ako with the development of my child. Ang laki na ng development niya, nakakapag-usap na kami, nakakapag-sulat na siya," ani Candy.

Nang mahingi ang mensahe sa anak, sinabi ni Candy: "Quentin, thank you for being you. 'Yung totoo lang talaga Quentin is my ticket to heaven, sigurado ako. You're always a blessing not only to me but to the people around you. I know that God gave you to me for a reason and God gave me to you for a reason, kaya matching tayo, kaya natin ito."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.