Eagle Riggs, pagpapatawad ang sukli sa motoristang nakabundol sa kanya

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 04:56 PM

MAYNILA -- Pagpapatawad ang naging sukli ng TV host na si Eagle Riggs o Micheal Pangilinan Riggs sa tunay na buhay para sa motorista na bumundol sa sa kanya.

Nitong Agosto 19, naiulat ang trahedyang kinasangkutan ng TV host matapos siyang mabundol ng isang humaharurot na motorsiklo habang papatawid sa Rizal Avenue Extension sa Puerto Princesa City, Palawan.

Sa isang social media post, ibinahagi ni Eagle ang kanyang naging pagpapatawad sa motorista na kinilalang si Rey Vincent Pacaldo na isang construction worker.

Watch more in iWantTFC

Sa kabila ng sinapit, mahigpit na yakap ang isinukli ng TV host para sa motorista.

"Mahalin mo ang pamilya mo, mahalin mo ang mga anak mo, magiingat na sa pagmamaneho," emosyonal na pahayag ni Eagle sa naka-bundol sa kanya.

Ayon sa mga ulat, unang sinugod ang TV host sa Ospital ng Palawan para bigyan ng paunang-lunas pero inilipat din sa Cooperative Hospital sa Palawan para operahan ang paa.

Bukod sa leg injury, nagtamo din ng mga pasa at galos sa mukha si Eagle na muntik pa niyang ikabulag.

"Two steps more sa sidewalk na ako biglang may tumama na lang sa akin na hindi ko alam kung ano. Ang kuwento na lang sa akin ng mga nakakita, ako raw ay umikot at bumagsak, mukha ko raw 'yung nahulog," pahayag ni Eagle sa ulat.

"Five to ten minutes, paggising ko na lang may nagdi-drip na dugo at may nakahawak na sa akin," patuloy niyang kuwento.

Agosto 14 nang dumating ang TV host sa Palawan para mag-host ng isang show noong Agosto 17. Nakatakda sana ang kanyang pagbabalik-Maynila nitong Agosto 26.

Sa ngayon, patuloy na nagpapagaling si Eagle matapos sumailalim sa isang operasyon sa kanyang nabaling buto sa kanyang kaliwang binti.

 

Dahil sa sinapit na aksidente, pansamantalang hindi makakapag-trabaho ngayon si Eagle at hiling ang tulong pinansiyal para sa kanyang patuloy na pagpapagamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.