Ina ni Jake Zyrus, pumalag sa kuwento ng anak sa 'MMK'

Reyma Deveza, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 12:14 AM | Updated as of Aug 27 2017 09:07 AM

Ina ni Jake Zyrus, pumalag sa kuwento ng anak sa 'MMK' 1
Courtesy of MMK Facebook page

MANILA — Pumalag si Raquel Pempengco, ina ni Jake Zyrus, sa naging kuwento ng anak sa "Maalaala Mo Kaya" na ipinalabas nitong Sabado.

Sa panayam ng ABS-CBN News, inihayag ni Pempengco ang sama ng loob sa pagsasabing walang katotohanan ang istorya ni Jake.

"Sa umpisa pa lang puro kasinungalingan na. Walang katotohanan. Sa buong storya na sinabi ni Charice, lahat ito walang katotohanan puro kasinungalingan ang lahat ng sinabi ni Charice dito," ani Pempengco.

"Ilang beses siyang lumayas, ilang beses bumalik puro ako ang pinasasama niya palagi. Ang katotohanan ay 2010 pa pinabayaan na kami niyan ni Charice. Tinanggal ako sa trabaho sa Amerika pa lang. Bakit ako ang sinisisi niya sa tax niya hindi naman ako ang manager niya at accountant niya. Puro kasinungalingan ang sinasabi dito lahat. Hindi siya nag-iisip. Grabe si Charice masyado niya akong pinasama," dagdag ni Pempengco. 

Aniya hindi rin totoo na humihingi siya ng pera kay Jake, dahil may sarili siyang pera.

"Pinapalabas nila dito ako humihingi eh sila yung nag-aabot, di ko matanggap," ani Pempengco na sinabing 2015 pa para sa kanyang kaarawan nagbigay ng pera si Jake pero hindi niya tinanggap.

Dagdag pa niya, hindi niya sinasaktan ang anak maliban sa pagkakataon na pinapaamin niya na ito kung siya ba ay tomboy.

"Hindi ko pinagbuhatan ng kamay iyan. Nasabunutan ko lang iyan ng nabuksan ko ang laptop niya na ayaw niyang umamin na tomboy siya, di pa siya nagre-reveal noon," aniya.
 
Ayon pa sa ina ni Jake, hindi din siya ang dahilan kung bakit tinangka ng anak na magpakamatay.

"Noong time na iyon nakikipag-break ang girlfriend niya kaya siya nag-suicide attempt," ani Pempengco. Dagdag nito, isang non-showbiz ang nobya noon ni Jake.

Nang matanong kung ano ang maaaring dahilan ni Jake kung bakit niya ito nagawa sa kanya, sinabi ni Pempengco: "Gusto niya talaga akong tanggalin sa picture niya bilang magulang. Sinabi niya nakasama niya tatay niya. Di niya nakasama tatay niya simula't simula pa, sinungaling iyan."

Pagkumpirma ni Pempengco, Setyembre 2015 pa niya huling nakita si Jake.

Nang hingin ang mensahe nito kay Jake, sinabi ni Pempengco: "Isa lang mensahe ko sa kanya huwag na niyang dagdagan pa ang kasalanan niya. Ako pilit kong ipinagtatanggol ko ang anak ko pero sa ginagawa niyang ito ako ang idinidiin niya. Hindi ko na alam kung anong sariling pag-iisip mayroon si Charice."

Giit din ng ina ni Jake, ginagawa na lang lahat ng anak niya ang paraan para isalba ang karera nito.

"Walang alam na trabaho si Charice kaya pinipilit niya na i-survive ang career niya. Lalo na ngayon at wala na siyang boses na ipagmamalaki," ani Pempengco.

"Kung iyan ang ikakasiya niya na sirain ang magulang niya eh tatatanggapin ko kung doon siya masaya," pahuling mensahe ng ina ni Jake.