'Pinoy Big Brother' Season 1 housemates nag-virtual reunion

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2020 03:28 PM

Nagkaroon ng virtual reunion noong Agosto 21 ang mga housemate ng kauna-unahang season ng 'Pinoy Big Brother.' Screengrab

MAYNILA - Muling nagtipon-tipon ang mga housemate ng kauna-unahang season ng "Pinoy Big Brother" para ipagdiwang ang ika-15 anibersyaryo ng hit reality show.

Sa isang virtual meeting idinaan ng mga dating PBB housemate ang kanilang reunion noong Biyernes dahil ipinagbabawal pa rin ang mass gathering bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ipinalabas ang reunion—na tumagal nang 3 oras—sa kaniya-kaniyang Facebook page ng mga housemate.

Kasama sa mga lumahok sina "Big Winner" Nene Tamayo, Sam Milby, Jayson Gainza, Chx Alcala, Say Alonzo, Racquel Reyes, Uma Khouny, at Bob dela Cruz.

Bukod sa pagkukuwentuhan sa kani-kanilang mga pinagkakaabalahan ngayon, binalikan din ng mga housemate ang mga karanasan nila sa "Bahay ni Kuya." Tampok din sa reunion ang ilang clips mula sa 2005 show.

Mula 2005, nagkaroon na ng 14 seasons ang "Pinoy Big Brother." Naging daan din ang programa para matuklasan ang ilan sa mga kilalang artista sa industriya ng show business ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.