'Miss Granny' premiere, dinumog ng fans

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2018 04:56 PM | Updated as of Aug 22 2018 08:54 PM

Pinagkaguluhan ng fans ang cast ng "Miss Granny," na dumalo sa premiere screening ng pelikula noong Lunes sa Trinoma Mall, Quezon City.

MAYNILA -- Dumagsa ang mga tagahanga sa Trinoma mall sa Quezon City noong gabi ng Lunes para sa premiere ng pelikulang "Miss Granny" na pinagbibidahan nina Sarah Geronimo, Xian Lim at James Reid.

Sa pagharap ng tatlong bida sa media, inamin ni Geronimo na unang beses pa lang niyang mapapanood ang pelikula pero kampante siyang maganda ang pagkakagawa nito at magugustuhan ng mga manonood.

"Ninenerbyos na pero excited at the same time kasi 'yong pinagpaguran po ng buong cast, buong team, ito na, finally makikita na namin," sabi ni Geronimo.

Susundan ng pelikula ang isang lola, na gagampanan ni Nova Villa, na magiging bata muli (Geronimo) matapos makuhanan ng retrato sa isang misteryosong studio.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Geronimo, dedicated ang pelikula para sa mga nakatatanda sa pamilya.

"Dedicated ito sa lahat ng grandparents natin, especially to our grandmothers, 'no. Huwag nating kakalimutan 'yong ating pinagmulan kahit matatanda na sila, may sari-sarili na tayong buhay, huwag natin silang kakalimutan," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inamin naman ng mga leading men ni Geronimo na mami-miss nilang makatrabaho ang "Popstar Royalty" at ang kanilang direktor na si Joyce Bernal.

"We just had a lot of fun together, especially with Direk Joyce. She's super cool on the set," ani Reid.

"Being able to go to the set and 'yon nga puro kalokohan lang," dagdag ni Lim.

Bukod sa Trinoma, nagdaos din noong Lunes ng premiere screening ang "Miss Granny" sa SM Megamall, Mandaluyong City.

Ipalalabas naman sa mga sinehan ang "Miss Granny" simula Miyerkoles, Agosto 22. -- May ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.