Christian Bables, napaiyak sa paghingi ng tawad sa kapatid

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 12:48 PM

MANILA -- Hindi mapigilan ng aktor na si Christian Bables na maiyak dahil sa kanyang kapatid.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, hindi napigil ni Christian ang pagluha habang humihingi ng tawad sa kanyang kapatid na si CJ dahil sa kanyang pagiging abala sa trabaho.

"My guilt sa akin kasi ito 'yung kapalit nung mga dream ko na nasa-sacrifice 'yung oras ko sa mga kapatid ko," ani Christian.

"Sorry kasi lumalaki kang wala ako. Hindi ko sinasadya pero babawi ako CJ, babawi ako sa lahat. Salamat sa lahat ng pag-intindi at sa lahat ng suporta mo sa akin. Ikaw at 'yung kapatid natin... kayo ang dahilan bakit nandito ako ngayon lumalaban dahil 'yon sa inyo," ani Christian.

Pag-amin ni Christian, malapit siya sa kanyang mga kapatid at tumayong ama para sa kanila.
 
Para kay Christian, pangarap niyang maibigay ang magandang buhay para sa kanyang ina at mga kapatid.

"Sa nanay ko, 'yung maging okay lang siya, 'yung sakto lang 'yung tumanda siya na kasama kami. Ayaw kong tumanda siya na malungkot. Sa mga kapatid ko, gusto ko mag-succeed sila in life. Lalo ka na (CJ)," ani Christian.
 
Sinabi naman ni CJ na masaya at hanga sila sa naabot ng kapatid.

"Kuya, since natutupad mo na ang dreams mo, sobrang nakakatuwa. Hindi ko alam kung saan ko ilalagay ang happiness ko ngayon. Basta saan ka man mapunta just keep your feet on the ground and remember who you are, kasi ikaw na ikaw 'yan. Kung ano ang kuya na nakilala ko dati gusto ko 'yon pa din ang makita ko dahil alam kong ikaw pa rin 'yan," ani CJ.

Sa ngayon ay abala si Christian sa pag-promote ng kanyang mga pelikula kabilang na ang "Recipe For Love" at "Ghost Bride" ng Star Cinema kung saan bida si Kim Chiu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.