Grace Poe, nagpasalamat sa mga nagbigay-pugay kay FPJ

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 02:37 PM

Committee chairperson, Senator Grace Poe during the Committee on Public Services hearing at the Senate on March 19, 2019. George Calvelo, ABS-CBN News

MANILA -- Nagpasalamat si Senator Grace Poe-Llamanzares sa lahat ng mga taong nakaalala at patuloy na nagbibigay-pugay sa kanyang yumaong ama na si Fernando Poe Jr., ang kinikilalang Hari ng Pelikulang Pilipino.

Ngayong Martes, Agosto 20, ay ginugunita ang ika-80 kaarawan ni FPJ na pumanaw noong 2004 dahil sa thrombosis at multiple organ failure.

"Salamat sa pag-alala sa birth anniversary ni FPJ. Kung siya po ay nabubuhay, 80 years old na po siya ngayon," ani Poe-Llamanzares sa panayam ni Ted Failon sa DZMM nitong Martes. 

Ayon sa senadora, kung hindi pagdidirehe ay isang mini-series ang maaaring pinagkakaabalahan ng kanyang ama kung buhay pa siya ngayon.

"Alam mo, sigurado ako kung hindi man siya pinalad na maupo sa ating pamahalaan, sa tingin ko sa ngayon kung hindi siya mismo ang umaarte ay nagdi-direct siya ng mga pelikula. Siguro sa tingin ko, papayagan niya ang pagpapatuloy ng isang teleserye katulad ng 'Ang Probinsyano,'" aniya.

"Kasi bago pa mamatay si FPJ noon ay iniisip na niya na gumawa ng mini-series na pang-telebisyon. Kasi sabi nga niya, marami sa ating mga kababayan ang hindi kayang magbayad para manood ng sine sa sinehan kaya sa telebisyon nanonood. Patungo siya roon," dagdag niya.

embed

Ayon kay Poe-Llamanzares, nais niyang maalala ng mga Pilipino na tapat na nagmahal ang kanyang ama sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng kanyang mga dekalidad na pelikula.

Nais rin niyang maalala si FPJ sa kabutihan nito sa pagtulong sa mga nangangailangan.

"Kapag nanonood kayo ng mga pelikula ni FPJ, bugbog-sarado pero tumatayo at lumalaban. Maraming mga hamon sa ating bansa, halimbawa ang ibang bansa ay binu-bully tayo ngayon. Huwag mawawala sa atin ang pride ng pagiging Filipino. Sapagkat ang ating kultura, ang ating pamumuhay ay isang bagay na dapat nating ikarangal. siguro si FPJ 'yun ang kanyang magiging mensahe," ani Poe-Llamanzares.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.