PatrolPH

Julia Montes, nagpasalamat sa mga tagahanga at manonood ng 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2021 11:28 AM | Updated as of Aug 19 2021 05:55 PM

MAYNILA -- Labis ang pasasalamat ni Julia Montes sa lahat ng kanyang mga tagahanga at sumusuporta sa sikat na serye ng ABS-CBN na "FPJ's Ang Probinsyano."

Ipinaabot ni Montes ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng isang post sa Facebook nitong Martes, Agosto 17. 

 

Pag-amin ni Montes, nababasa niya ang mga mensahe ng suporta ng mga tagahanga na talaga namang ikinasisiya ng kanyang puso.

"Gamitin ko na po ang opportunity na ito para magpasalamat po sa walang sawa ninyong pagsuporta at pagmamahal sa akin at sa buong team ng 'FPJ’s Ang Probinsyano,'" ani Montes.

"Nababasa ko po lahat ng comments and reactions ninyo at nakakataba po ng puso na kasama ko kayo sa journey ko na ito," ani Montes.

Dagdag pa ni Montes, malapit na makilala ang pinakabagong karakter na kanyang gagampanan sa sikat na serye.

"Malapit na malapit n'yo na po makilala ang bagong role na gagampanan ko. Maraming maraming salamat po sa inyong lahat," dagdag ni Montes.

Nitong Sabado, ibinahagi ni Montes na nagsimula na siyang mag-taping para sa seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin na matagal nang iniuugnay sa aktres.

Matatandaang unang nagkasama ang dalawa noong 2012 sa seryeng "Walang Hanggang." Huling proyekto sa telebisyon na pinagsamahan ng dalawa ay ang "Wansapanataym's Yamishita's Treasures" noong 2015.

Related video:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.