'Kinakaya niya': Dani Barretto, pinuri ang tapang ng kapatid na si Julia

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 03:19 PM | Updated as of Aug 19 2019 03:53 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Dani Barretto-Panlilio (@danibarretto) on

MAYNILA -- Sa kabila ng pag-ulan ng batikos, nanatiling buo ang suporta ni Dani Barretto para sa kapatid na si Julia Barretto.

Kasunod ito ng patuloy na pagputakte ng negatibong komento kay Julia matapos niyang masangkot sa naging hiwalayan ni Gerald Anderson at Bea Alonzo.

Sa panayam kay Dani, sinabi nitong kinaya ni Julia na harapin ang kontrobersiya na dumaan sa kanyang buhay ngayon.

"Matapang si Julia. Napakatapang niya. She's such a fighter. Parang to be honest, ang dami na niyang pinagdaanan, napakabata niya pa, pero sobrang 'pag nakikita mo siya parang ang galing niya," ani Dani.

"Alam niya kung saan niya ilulugar 'yung nararamdaman niya. Hindi siya nagpapakita ng weakness sa harap namin, kahit sa amin. There are times, of course, naman kailangan. Kasi sa amin lang naman niya mapapakita 'yun eh. Pero lagi niyang sinasabi, 'I can do this.' Naniniwala naman kaming kaya niya. Kinakaya niya."

Nagbigay saloobin din ang nakatatandang kapatid ni Julia sa naging pagtatanggol niya sa kanyang kapatid.

Matatandaan na isa rin si Dani sa pinuntirya ng mga negatibong komento dahil sa kanyang pagdipensa sa kapatid.

"I don't regret anything. Kahit pinagpiyestahan ako for a while online, I don't regret doing it. Kapatid ko 'yun, ipagtatanggol ko 'yun hanggang kamatayan so it's okay," aniya.

At bilang ate ni Julia, aminado si Dani na mahirap bigyan ng payo ang kapatid.

"The thing with Julia kasi is ang hirap niyang bigyan ng advice. Kasi alam niya 'yung ginagawa niya. She's very mature for her age. I think it’s also because of the experiences she already overcame, lahat ng mga challenges na nangyayari sa kanya the past few years," ani Dani.

Ayon pa kay Dani, nagpakita man ng katatagan si Julia sa pagharap sa kontrobersiya, nanatili daw ang suporta ng buong pamilya para kanyang kapatid.

"Ang lagi lang niyang sinasabi, 'Dito ka lang sa tabi ko, makinig ka lang.' Lagi siyang ganun. So ako nakikinig lang ako sa kanya. Ang gusto lang naman niya kasama eh. So ang ginawa lang namin is we just stayed by her side, hindi namin siya iniwanan. Now, everything is getting better. Everyone is moving forward."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.