Kapatid ni Daniel na si JC, nagtapos na sa kolehiyo

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 02:33 PM

MANILA -- Isang proud mom ang aktres na si Karla Estrada nang kumpirmahin nito ang pagtatapos ng kanyang anak na si Jose Carlito Padilla o mas kilala bilang JC.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, ibinahagi ni Karla na nagtapos na ang kanyang anak ng kursong Business Administration sa Mapua University.

"Congratulations muna sa aking anak Jose Carlito Padilla. Congratulations anak, graduate of Business Administration Major in Marketing Management Batch 2017. Naku, grabe," ani Karla.

Kinilala din ng aktres ang naging bahagi ng ama ni JC na si Naldy Padilla, bokalista ng bandang Orient Pearl, sa pagtatapos ng kanilang anak sa kolehiyo.

"Siyempe 'yung kanyang ama na talaga namang pinagmanahan niya nang sipag ng pag-aaral," ani Karla.

"Ang anak natin kapag nakakapagtapos ang benepisyo ay para din sa kanila, sila din ang mage-enjoy," dagdag ni Karla.

Matatandaang tulad ng kanyang ama, nasabak din sa banda si JC bilang bokalista ng nabuwag na grupong Parking 5.

Kasama ni JC sa nasabing banda ang kanyang kapatid na si Daniel Padilla na bida ngayon ng seryeng "La Luna Sangre."