Buhay media, tampok sa 'Ang Probinsyano'

Rhys Buccat, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2016 02:28 AM

MANILA -- Kasabay ng pagpasok ng primyadong actor na si Joel Torre, itatampok sa seryeng "Ang Probinsyano" ang iba't ibang isyu na kinakaharap ng mga mamamahayag.

Ginagampanan ni Torre ang karakter ng isang batikang journalist. 

Bagama't mayabong na ang kanyang karanasan sa industriya, nagbabadya siyang mawalan ng hanapbuhay dahil sa pagkalugi ng pahayagang sinusulatan. 

Gayunpaman, hindi nagpapatinag si Torre sa mga suhol ng kung sinu-sinong pulitiko at negosyante. Kahit hirap na sa buhay, patuloy siyang naninindigan para sa mahusay at makatotohanang pagbabalita. 

"Prinsipyo na lang ang mayroon ako," diin niya. 

Maliban sa pagiging tapat na mamamahayag, si Torre ay isa ring butihing asawa sa kanyang maybahay (Shamaine Buencamino) at ama sa kanyang dalawang anak (Yassi Pressman at Mccoy De Leon).

Sa katunayan, ang isa niyang anak (Pressman) ay pinasok rin ang mundo ng media. 

Ginagampanan ni Pressman ang isang batang reporter sa isang malaking broadcasting company. 

Bagama't hindi pa alam ang pasikot-sikot sa propesyon, uhaw siya sa makabuluhang balita -- bagay na kanyang namana sa ama.

Ngunit kasabay ng kanyang dedikasyon sa trabaho ay ang matinding pressure para mapataas ang ratings ng kumpanya. Naroon din ang tuksong maghanap ng balitang magugustuhan ng mga tagapanood, imbes na ihayag ang mas mabibigat na isyu.

Sa istoryang ito, ibabahagi ang buhay ng dalawang journalist -- isang batikang may prinsipyo at isang baguhang uhaw sa balita. 

Maliban sa buhay media, kasalukuyan ring tinatalakay ng teleserye ang tinaguriang "war on drugs" kung saan tampok ang madugong digmaan ng pamahalaan kontra iligal na droga. 

(BASAHIN: War on drugs, tatalakayin sa 'Ang Probinsyano')

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.