'Puwedeng ibalik ang dati': Kim at Maja, may mensahe sa isa't isa

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2019 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Pagkalipas ang ilang taon, muling nanumbalik ang pagkakaibigan nina Kim Chiu at Maja Salvador.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, isang mensahe ng pasasalamat ang ipinaabot ni Kim kay Maja patungkol sa kanilang pagiging magkaibigan.

"Sa amin kasi ni Maja nagpapasalamat ako kasi kung anong klaseng pakikipagkaibigan ang gusto ko, 'yon din ang gusto niya. And parehas kami ng paningin sa buhay na kung ano ang tapos na, tapos na. Buti na lang nagkasundo kami roon, nagkaintindihan kami. It just shows na no matter what happened o kung anuman ang bagay na nakasira sa amin ay puwedeng kalimutan at puwedeng ibalik ulit 'yung dati," ani Kim sa video message para kay Maja.

"I'm so very happy for you. Masyadong colorful ang life mo ngayon. Congratulations and I love you so much," dagdag ni Kim.

At bilang tugon, nagpasalamat din si Maja sa naging mensahe ni Kim.

"Kim, alam mo namang simula dati pa lang na mahal kita. Alam kong iba 'yung klase ng friendship na mayroon tayo and alam mong gusto kong ibalik at i-maintain kung ano 'yung friendship na mayroon tayo, at masaya ako na naibalik 'yon," aniya.

"At masaya ako na wala tayong pakialam kung may mga hindi pa rin naniniwala sa kung anong friendship mayroon tayo. Basta masaya tayong dalawa, masaya tayo sa friendship natin, and I love you. Thank you, Kim," dagdag ni Maja, na nakasama si Kim sa seryeng "Ina, Kapatid, Anak." 

Sinasabing nasira diumano ang pagkakaibigan ng dalawa nang maugnay si Maja kay Gerald Anderson, na dating nobyo ni Kim.

Matatandaang 2015 noong naghiwalay sina Maja at Gerald.

Sa ngayon ay parehong masaya sa kanilang buhay pag-ibig ang dalawang aktres.

Si Maja ay nakipagbalikan sa kanyang dating nobyo na si Rambo Nuñez, samantalang masaya si Kim kay Xian Lim na kasama rin nila dati sa seryeng "Ina, Kapatid, Anak."

Ikinatuwa naman ng kani-kanilang mga tagahanga at mga taong malalapit sa kanila ang retrato nila na magkasama sa Times Square sa New York City. 

Kasama ang iba pang Kapamilya stars, nagtungo sa Amerika ang dalawa para sa Kapamilya Fiesta Show.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.