Pagkanta ni Jed Madela, minsang tinutulan ng ama

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2018 03:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aminado si Jed Madela na minsang tumutol ang kanyang ama sa kanyang hilig sa pagkanta.

“Ayaw talaga ng dad ko na maging singer ako, ito ang maging trabaho ko. Pero siyempre, if you believe in yourself, pag alam naman na may kakayahan ka, kausapin mo lang,” kuwento ni Jed sa naging guesting niya sa “Magandang Buhay” nitong Huwebes.

Aniya bilang magulang, naging protective lang daw ito para sa kanyang kinabukasan.

“'Yung mga kabataan ngayon na may gustong makamit, 'yung parents natin, they just want the best for us. Siguro takot siya, 'yung mindset kasi niya sa showbiz walang seguridad. Pag wala kang raket, wala kang pera. Gusto niya siguro na secure ako,” paliwanag ng singer.

Tinutulan man noon ng kanyang ama, pinilit pa rin ni Jed na sundin ang kanyang pangarap sa pagkanta.

“Sinabi ko nga, ‘kahit one year lang, ipo-prove ko lang sa 'yo na talagang dito ako nakadestino,” ani Jed.

“'Yung one year na 'yun, ginawa ko lahat. Nagkaroon ako ng recording label, wi-nelcome ako sa “ASAP,” so nakita na ng tatay ko na, ‘okay, dito ka talaga.’ Kaya kahit anong tanggal niya sa 'kin sa showbiz, balik pa rin ako nang balik,” dagdag pa niya.

Inamin din ng singer na sumama noon ang kanyang loob dahil sa naging pagpigil ng ama sa pangarap niya.

“Noong time na 'yun, oo. Kasi bakit mo ipinagdadamot sa akin 'yung ine-enjoy ko? Pero ngayon, looking back, nakikita ko na kung bakit. May dahilan 'yung tatay ko,” pahayag pa ni Jed.

Sa ngayon, pinaghahandaan na ni Jed ang kanyang “Higher Than High” 15th anniversary concert ngayong November 16 sa Araneta Coliseum.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.