Nakakaramdam ba ng inggit si Lyca Gairanod kay Darren Espanto?

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2021 11:13 PM

Mula sa Instagram account nina Lyca Gairanod at Darren Espanto.
Mula sa Instagram account nina Lyca Gairanod at Darren Espanto.

Pitong taon matapos manalo sa “The Voice Kids”, unti-unti nang naaabot ng mang-aawit na si Lyca Gairanod ang kaniyang mga pangarap para sa sarili at sa pamilya. 

Ngunit sa kabila nito, hindi nawawala ang mga isyu tungkol sa mas pagsikat ng kasabayang si Darren Espanto pagkatapos ng kompetisyon. 

Sa inilabas na vlog ni Karen Davila, tahasang sinagot ni Gairanod na hindi siya nakaramdam ng inggit sa tinatamasang tagumpay ng kaniyang Kuya Darren sa showbiz. 

“Proud po ako kay Kuya Darren kung ano yung nararating niya,” sagot ni Gairanod habang iniikot si Davila sa kanilang lugar sa Tanza, Cavite. 

Kuwento pa ng batang singer, akala niya si Espanto ang magwawagi sa kompetisyon noon lalo pa’t lahat ng mga nakalaban niya ay mahuhusay. 

Naging kapatid na rin aniya ang turing sa kaniya ni Espanto na minsan nang sinuportahan si Gairanod noon para manalo sa “The Voice” dahil nauunawaan nito ang estado ng dating mangangalakal ng basura. 

“Sobrang saya ko po kasi pinapahalagahan ni Kuya Darren kung ano meron ako. Deserving kaming lahat. Thankful ako si Kuya Darren di ako pinabayaan,” ani Gairanod na ngayon ay 16 anyos na. 

Ipinaliwanag din nito ang dahilan kung bakit umalis ito sa bahay na napanalunan niya sa patimpalak at bumalik sa lugar nila kung saan siya lumaki. 

Ayon kay Gairanod, ibinenta nila ang bahay na nasa subdivision upang samahan ang kaniyang lola na ayaw umalis sa dati nilang tinitirhan sa tabing dagat. 

“Marami rin pong memories sa napanalunang bahay. Pero para kay lola, gusto niya kami makasama kaso malayo po kami. Dinala namin siya doon pero umuwi. Ayaw niya po talaga doon,” sagot ni Gairanod. 

Dagdag pa niya, hindi rin sila sanay na pamilya sa kasing tahimik ng lugar ng kanilang magarang bahay. 

“Nandito kaluluwa ko. Pilit niya kong binabalik,” pahayag nito. 

Nakatira na ngayon malapit sa dati nilang tagpi-tagping bahay ang pamilya ni Lyca. Binili na lamang niya ang dating paupahan sa kanila upang doon na manirahan. 

Abala si Gairanod sa kaniyang YouTube channel na pumalo na sa higit 1 milyong subscribers. 

Nito lamang Marso, ibinalita rin nito na nakabili na siya ng sariling sasakyan na pinag-ipunan niya umano maigi para mabili. 

Panoorin ang buong vlog dito:

Watch more on iWantTFC