Vic Sotto, hands off sa love life ni Vico Sotto

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 07:53 PM

MAYNILA -- Naguumapaw pa rin ang kasiyahan ng beteranong komedyante na si Vic Sotto para sa tagumpay ng anak na si Vico Sotto na mayor na ngayon ng Pasig.

Sa panayam ng entertainment press kay Vic sa naganap na story conference ng kanyang 2019 Metro Manila Film Festival entry na "Mission Unstapabol," tinanong si Bossing kung nakikialam pa ba siya sa buhay pag-ibig ng kanyang anak.

"Ay wala," ani Vic.

Matatandaan na sa isang panayam noon kay Vico, sinabi nito na nais na lamang niya magpahinga kaysa atupagin pa ang kanyang love life.

"Totoo naman. Kahit ako ang nasa lugar no'n, mas masarap matulog," pabirong sagot ni Bossing.

At kahit hindi pinasok ang mundo ng showbiz, masaya rin daw si Vic sa dumaraming tagahanga ng kanyang anak.

"Ako'y natutuwa 'pag nakakabalita ako ng ganyan. Siyempre anak ko 'yun 'no. Hanggang ngayon nga hindi ako makapaniwala na may anak akong mayor na magaling. So I'm happy for him and very proud," aniya.

Bilang tatay, pinuri rin niya ang mga nagawa ng kanyang anak sa mga unang buwan ng termino nito.

"Alam ko naman na he will be doing good and I'm confident na he will do better in the future kasi he's come prepared. Noong kumandidato siya, alam ko he was prepared for the job, and sa nakikita natin ngayon, he's doing a good job."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.