Nadia Montenegro, napaiyak sa pinagdaanang pagsubok ng pamilya

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 02:41 PM | Updated as of Aug 16 2019 01:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi inaasahan ni Nadia Montenegro na maibabahagi niya ang mabigat na pagsubok na pinagdaanan ng kanilang pamilya.

Nitong Miyerkoles, isa si Nadia sa mga bisita sa "Magandang Buhay" na nakisali sa talakayan kung paano nga ba gagabayan ng mga magulang ang anak tungkol sa buhay at pag-ibig.

Nang hingin ang kanyang saloobin sa kung ano ang maaring gawin kung "nakikitaan mo ng signs ng self-harm ang anak mo," dito na naibahagi ni Nadia na isa sa kanyang walong anak ang dumanas ng matinding pagdadalamhati at nagtangkang bawiin ang sariling buhay.
 
"Nangyari ito sa akin recently. Dalawang taon na nawala ang daddy nila. So kanya-kanya kami ng grieving. Hanggang sa last year, tinawag ako ng guidance counselor ng school. Sabi nila may napapansin sila sa anak ko. Sabi ko baka ano lang. If you look at my Instagram, nandoon ang testimony ng anak ko, she's 13. She tried to take her life -- five times. So heartbreak is not just because of love. It's because you lost a parent. Naging mahirap. Pagkatapos ng pagkamatay ni Boy, siguro 'yon ang pinakamasakit, kasi hindi ko nalaman," ani Nadia na naging partner ng dating alkalde ng Caloocan City na si Macario "Boy" Asistio Jr. na pumanaw noong 2017.

"So nung nasa bahay kami umiyak ako. I said, 'Baby, why did you do that?' Sabi niya, 'I just want to be with daddy.' Sabi ko, 'The only thing you can do is to pray to God.' Sabi ko, 'Alam mo naman hindi ba na if we take our life hindi tayo mapupunta sa langit, sa hell tayo.' Nakita ko 'yung change sa mukha ng anak ko na, oo nga ano, hindi ko pala makikita si daddy. Kasi mga Christian naman ang anak ko, they serve sa church, so alam ko lang na grieving 'yon. And sabi ng counselor, huwag na huwag niyo po siyang dadalhin sa psychologist, she's only greiving let her be,'" dagdag na kuwento ni Nadia.

"So for mga four or five months I let her be. Praise God, 'yung anak ko na nagtangkang mag-suicide tapos na po siya sa School of Discipleship, magpapastora na po siya. So nag-turn around ang life niya, she found God," ani Nadia.

Ayon sa psychologist na si Sofia Lina, kailangang bigyan ng espasyo at panahon ang isang tao na maipagluksa ang namatay nilang mahal sa buhay.

Aniya, hindi dapat minamadali ang pagluluksa at paghilom sa sakit na nararamdaman na dala nang pagkawala ng isang minamahal.

Hindi maiiwasan ang pagdadalamhati sa tuwing may mangyayaring hindi maganda sa isang tao. 

At dahil dito, payo naman ng psychiatrist na si Robert Buenaventura, mabuting makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan tulad ng pamilya at mga kaibigan upang mailabas ang emosyon.

Editor's note:

May mga grupo sa Pilipinas na handang makinig sa mga taong nakararanas ng matinding kalungkutan at depresyon.

Kabilang na rito ang Natasha Goulbourn Foundation na handang tumugon kahit na anong oras.

Narito ang kanilang hotline numbers:

Information and Crisis Intervention Center
(02) 804-HOPE (4673)
0917-558-HOPE (4673) or (632) 211-4550
0917-852-HOPE (4673) or (632) 964-6876
0917-842-HOPE (4673) or (632) 964-4084

In Touch Crisis Lines:
0917-572-HOPE or (632) 211-1305
(02) 893-7606 (24/7)
(02) 893-7603 (Mon-Fri, 9 am-5 pm)
Globe (63917) 800.1123 or (632) 506.7314
Sun (63922) 893.8944 or (632) 346.8776

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.