Vilma, kasal na lang ang hinihintay kina Luis, Jessy

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2018 09:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dati na niyang inihayag ang pag-apruba kay Jessy Mendiola para sa anak na si Luiz Manzano. 

Pero ngayon, ibinahagi naman ni Vilma Santos na kasal na lang ng dalawa ang kaniyang hinihintay lalo at wala naman siyang pagtutol dito.

"Hinihintay ko rin," sabi ni Santos sa panayam ng ABS-CBN News.

"Kay Luis, Jessy, they're very happy. Basta si nanay nandito lang, anak. Kung kailan niyo gusto, nandito lang ako. Wala naman akong tutol," aniya.

Dati nang sinabi ni Manzano, 38, na handa siyang lumagay na sa tahimik sa piling ng 25 anyos na nobya pero nirerespeto niya rin daw ang mga prayoridad nito. 

Bukod sa pag-apruba kay Mendiola, binigay din ni Santos ang kaniyang basbas kay Liza Soberano sa pagganap sa papel na Darna.

Dekada 70s nang gampanan ni Santos ang Pinay superhero.

"Meron siyang magic to play the role of Darna. So to her, I wish her all the best. Kayang-kaya 'yan. Ang importante lang, paninindigan," ani Santos.

Humingi rin ng paumanhin si Santos sa mga tagahanga dahil matagal na siyang hindi lumalabas sa telebisyon at pelikula.

Sa katunayan, tatlong film project daw ang naghihintay sa kaniya, kabilang ang isang reunion movie kasama sina Nora Aunor at Brillante Mendoza.

"I miss showbiz, maniwala kayo," ani Santos.

"I'm getting scripts. Kung gagawa man ako ng isa, 'yong talagang gustong-gusto ko na," dagdag niya.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.