Sarah Lahbati, Annabelle, nag-aaway dahil sa kasal?

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 04:58 PM | Updated as of Aug 14 2017 05:58 PM

MANILA -- Inamin ni Sarah Lahbati na mukhang may mga bagay silang hindi napagkakasunduan ni Annabelle Rama, pagdating sa magiging kasal nila ng anak nito na si Richard Gutierrez.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, inamin ni Sarah na isang intimate na kasal lang ang nais niya, taliwas sa gusto ng kanyang future mother-in-law. 

"Mag-aaway kami doon ni Tita kasi gusto ni Tita bongga, 'yung marami. Marami siyang kaibigan. Kaya feeling ko maga-argue kami doon. So naiisip namin what if isa dito, isa abroad, pero parang magastos din 'yon. So 'yung mga kino-consider namin ano ba dito or abroad, kapag abroad ba lahat ay makakapunta. So ang dami naming kino-consider kasi nga gusto namin lahat ng loved ones namin ay nandoon," paliwanag ni Sarah.

"Ako lang ang dream ko ay makumpleto ang family ko at family niya, kaibigan ko at mga kaibigan niya para maging soulful," dagdag ni Sarah.

Ibinahagi din ni Sarah, ang ilan pang detalye ng magiging kasal nila ni Richard.

"Gusto ko lang somewhere na hindi kami pagpapawisan -- pawisin kaming dalawa -- so somewhere na malamig. Okay lang kahit saan basta kumpleto kami," ani Sarah.
 
Nang matanong kung may napupusuan na siyang wedding gown, sinabi ni Sarah na nais niya ay isang gown na magiging kumportable siyang gumalaw.

"Mahilig ako sa silk na texture na damit. Silk and lace, 'yan ang very feminine, very classic, so 'yun ang pinag-iisipan ko ngayon. Ayaw ko kasi 'yung parang balloon, hindi ako makakalakad. Gusto ko 'yung kumportable ako, maganda pero classy pa din 'yung suot ko. Gusto ko simpleng ganda 'yung damit, simple lang pero may romantic something about it, something classic and classy," ani Sarah. 

Samantala, sinabi din ni Sarah na mukhang ang anak nila ni Richard na si Zion ang maging ring bearer.