PatrolPH

VIRAL: Bakit gusto ni Maris Racal mawala ang face shield?

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2021 10:51 PM

Labis na pinag-usapan sa social media ang screenshot ng isang eksena sa guesting ni Maris Racal sa "Magandang Buhay" kasama ang beteranang aktres na si Janice de Belen. 

Sa episode na umere noong Huwebes, nagluto si Racal ng kilalang ulam sa kanilang lugar na “law-uy” para sa cooking segment na palabas.

Unang pinatikim ng batang aktres at singer si De Belen na pansamantalang guest host ng morning show. 

Mababatid sa mukha nito ang kaba dahil kilala ang batikang aktres sa pagluluto ngunit nang titikman na ni De Belen ang pagkain nakalimutan nitong tanggalin ang suot na face shield. 

 

Napangiti lamang si De Belen sa pangyayari at bahagyang itinaas ang face shield upang matikman ang luto ni Racal. 

Tila natuwa naman si Racal sa nangyari at inilabas ang screenshot nito sa kaniyang Facebook account na umani ng nakakatuwang reaksyon sa mga netizen. 

Biro niya, isa ito sa mga dahilan kung bakit dapat alisin na ang face shield sa bansa. 

“Sinasabi ko sa inyo sana wala nang face shield. Lito-lito na tayo,” hirit ni Racal. 

Humabol pa ito sa comment section ng “love you Miss Janice!” upang ipabatid na good vibes lamang ang intensyon ng post. 

Kinaaliwan ng mga netizen ang reaksyon ng mukha ni Racal na tila natatawa umano sa nangyari. Ngunit ang totoo ay kinakabahan lamang ito sa maaaring maging komento ni De Belen sa kaniyang luto. 

“Maris be like: Ate, sandali,” komento ng isang fan. 

Sa Instagram, tila sinakyan na lang din ni De Belen ang kumakalat na meme at pinasalamatan ang pinagbilhan ng kaniyang face shield dahil sa linaw nito. 

Minsan nang pinag-usapan ang pag-aalis ng face shield sa bansa matapos ang ianunsyo ng Pamahalaan na maaari nang huwag magsuot nito ngunit binawi rin agad kalaunan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.