Arci, inaming totoo ang pag-iyak sa wedding scene nila ni Piolo

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2018 01:26 PM

MANILA -- Totoo ang naging pag-iyak ni Arci Muñoz habang naglalakad sa altar para sa wedding scene nang katatapos niyang serye na "Since I Found You" kasama si Piolo Pascual.

Ayon kay Arci, naalala niya ang yumaong ama habang siya ay naglalakad sa altar. Pumanaw ang ama ni Arci na si Manuel Ramon Muñoz noong Pebrero 2016

Matatandaang naganap ang pinakaabangang kasalan ng mga bidang karakter na sina Dani (Arci) at Nathan (Piolo) noong Biyernes, Agosto 10, sa huling gabi ng "Since I Found You."

"Habang naglalakad ako papuntang altar, sobra 'yung iyak ko kasi parang naalala ko," ani Arci.

"Naalala ko hindi pala ako maihahatid ng tatay ko sa altar. Tapos sobra kong iyakin, iyak ako ng iyak," dagdag ni Arci.

Pagbabahagi pa ni Arci: "Gising na gising ako noong time na yon. Sobrang masaya na malungkot, ewan ko kung ano ang napi-feel ko. Tapos lahat ng tao nakikita ko. Nagpa-flashback sa akin, nakikita ko sina Tita Carmi (Martin), Tita Sweet (Lapus). Oh my gosh matatapos na talaga kami, kasalanan na. Ito na ang katapusan ng lahat ng serye, kasalan na, 'yon."

Sa ngayon ay masaya sa kanyang buhay pag-ibig si Arci na may nobyong isang businessman. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.