PatrolPH

Jane De Leon, sumabak sa pagiging Star Patroller

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2022 08:12 PM | Updated as of Aug 12 2022 08:51 PM

 Ipinapakita ni Jane de Leon, gaganap na bagong Pinoy superhero, ang retrato ng ELJ Communications Center na pinailawan ng titulo ng bagong serye ng ABS-CBN, ang 'Darna.' Kuha ni Mike Bagtas, ABS-CBN News 
Ipinapakita ni Jane de Leon, gaganap na bagong Pinoy superhero, ang retrato ng ELJ Communications Center na pinailawan ng titulo ng bagong serye ng ABS-CBN, ang 'Darna.' Kuha ni Mike Bagtas, ABS-CBN News 

MAYNILA - Sa unang pagkakataon, sumabak ang up-and-coming teleserye hero na si Jane de Leon sa paghahatid ng balitang showbiz sa programang 'TV Patrol' nitong Biyernes, Agosto 12.

Humalili ang 23-anyos na model-actress kay Gretchen Fullido, ang regular na Star Patroller, bago ang kaniyang paglipad bilang bagong 'Darna,' ang teleseryeng magsisimula sa Agosto 15. 

Hinatid ni de Leon ang mga balita tungkol sa pagbubuntis ni Iza Calzado ang kaniyang magiging 'nanay' sa Darna series, at ang magandang balita tungkol sa pamilya ni Vilma Santos, na minsan na ring gumanap bilang 'Darna.' 

Watch more News on iWantTFC

Unang inanunsiyo ang pagganap ni Jane sa panibagong Darna na pelikula nitong 2019, pero naunsiyami ito dahil sa banta ng COVID-19 pandemic. 

Pero sa halip na pelikula, serye ang ipapalabas, na papalit sa longest-running series ng ABS-CBN na 'FPJ's Ang Probinsyano' na nakatakdang matapos nitong Biyernes, Agosto 12. 

Minsan na ring sumabak sa 'Ang Probinsyano' si De Leon nitong 2021, kung saan gumanap siya bilang si Lia Mante, na pinaghiganti ang pagpaslang sa kaniyang kapatid. 

Susundan ni de Leon ang yapak ng ilang batikang aktres gaya nina Angel Locsin, Marian Rivera, Vilma Santos, at maraming iba pang malalaking artista na gumanap bilang Darna. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.