PatrolPH

Jaime Fabregas, nagpasalamat sa mga manonood ng 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2022 02:34 PM | Updated as of Aug 11 2022 02:47 PM

MAYNILA -- Nagpasalamat ang batikang aktor na si Jaime Fabregas sa lahat ng mga manonood ng "FPJ's Ang Probinsyano" na ngayon ay nasa huling dalawang gabi na lamang.

Sa video na inilabas ng Dreamscape Entertainment, ibinahagi ni Fabregas ang kanyang kuwentong "Probinsyano" na tinutukan ng mga manonood sa loob ng pitong taon.

"Hindi gawang biro 'yung ganun. Bilang isa sa mga aktor na nag-umpisa nung umpisa talaga, siguro tingin ko alam na ng ating mga manonood kaya hindi sila bumibitaw, linggo-linggo na lang, araw-araw na lang, hindi talaga nila alam kung ano ang mangyayari. It's an anticipation para sa kanila, kaya sila ay patuloy na nanonood," ani Fabregas.

Ayon kay Fabregas, marami siyang mga bagay na natutunan sa pagiging bahagi niya ng sikat na serye.

"'Yung pag-aaral, 'yung learning proicess na sinasabi natin ay hindi nagtatapos 'yon. Ang dami kong natutunan sa show na ito," ani Fabregas na pinuri rin si Martin bilang bidang aktor at isa sa mga direktor ng programa.
 
"Ang laking respeto kay Coco at laking paghanga. Hanggang hindi niyo makitang magtrabaho itong tao na ito ay mahirap i-explain, mahirap paniwalaan kung hindi niyo nakita," ani Fabregas.

At hindi man nakasama ang yumaong si Susan Roces sa "pambansang pagtatapos," sinabi ni Fabregas na magpapatuloy ang alaalang iniwan nito bilang si Lola Flora, ang kanyang kapatid sa serye. 

"Hindi namin nakasama si Lola Flora sa banang huli, pero ang memories na mananatili, siguro 'yun ang magpapatuloy.

"Maraming salamat po sa lahat ng mga nagmahal sa 'FPJ's Ang Probinasyano.' Pitong taon niyo po kaming sinamahan. Huwag kayong bibitaw po. Abangan niyo po ang pagtatapos ng FPJ's Ang Probinsyano," ani Fabregas.

Samantala, nagpaabot din ng kanyang pasasalamat at pag-anyayaya sa mga manonood ang aktres na si Yam Concepcion para sa huling dalawang gabi ng "FPJ's Ang Probinsyano."

Matatandaang ginampanan ni Concepcion ang karakter na si Lena Dumaguit, anak ni Romulo o Pinuno (Lito Lapid).

Sa Biyernes, Agosto 12, ipapalabas na ang huling gabi ng "FPJ's Ang Probinsyano." Sa Lunes, magsisimula naman ang seryeng "Mars Ravelo's Darna" na pagbibidahan naman ni Jane de Leon.

Sa pagtatapos ng serye ay magaganap naman ang "Pasasalamat Tour." 

 Kaugnay na video: 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.