Christian Bables kinumpirmang tuloy ang serye kasama si Bea Alonzo

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2020 12:36 PM

Retrato mula sa Instagram nina Christian Bables (@christiaaan06) at Bea Alonzo (@beaalonzo)

MAYNILA — Kinumpirma ng aktor na si Christian Bables na tuloy ang pagpapalabas sa seryeng "Kahit Minsan Lang," kung saan kasama niya si Bea Alonzo.

Ayon kay Bables, "postponed" o ipinagpaliban lang ang produksiyon ng serye, kung saan makakasama rin niya sina Richard Gutierrez, Rafael Rosell at Jameson Blake.

"Awa po ni God, noong huling makausap ko ang [executive producer] ng show ay tuloy pa rin daw po ang taping. Postponed lang daw po," sabi ni Bables sa eksklusibong panayam ng entertainment site na Push.

"Kung kailan po itutuloy 'yon, siyempre hindi ko pa alam. Depende po 'yon sa situwasyon natin ngayon, kasi nga may COVID at tumataas pa 'yong mga cases," ani Bables.

Naging palaisipan ang estado ng ilang nakalinyang produksiyon ng ABS-CBN matapos tanggihan noong Hulyo ng komite sa Kamara ang hiling ng broadcast company na bigyan ito ng bagong prangkisa, dahilan para tumigil ang pag-ere ng network sa free TV.

Ibinahagi rin ni Bables sa panayam na naantala rin ang shooting ng mga pelikulang nakalinya sa kaniya.

Balak din umano ng aktor na magbukas ng YouTube channel para mag-vlog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.