John Regala, Maria Isabel Lopez magtatambal sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2016 11:45 PM

MANILA -- Kilala sa kanilang mabangis na pagganap bilang kontrabida, magdadagdag ng kakaibang tensyon ang mga batikang aktor at aktres na sina John Regala at Maria Isabel Lopez sa teleseryeng "Ang Probinsyano."

Si Regala ay gumaganap bilang Congressman Randolph Subito, habang si Lopez naman ay ang kanyang maybahay na si Clarissa. Mayroon silang isang anak na ginaganapan naman ni Albie Casiño.

('Ang Probinsyano': 'Cardo,' matitikman ang bangis ni John Regala)

Bagama't mahal na mahal ng taumbayan ang dalawa, tila hindi sila sinsero sa kanilang tungkulin bilang ama at ina ng kanilang distrito.

Ang hindi alam ng mga botante, ginagawa lamang nila ang mga proyekto upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan.

Kaya naman sila ang bagong target kaibiganin ng isang sindikato upang mas mapalawig ang koneksiyon nito sa gobyerno.

Matatandaang nagsama sina Regala, Lopez, at ang bida ng "Ang Probinsyano" na si Coco Martin sa multi-awarded na indie film na "Kinatay."

Mapapanood ang "Ang Probinsyano" mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng "TV Patrol."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.