PatrolPH

‘Init sa Magdamag’: Peterson nagluluksa sa pagkamatay ng ina na si Olivia

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2021 03:48 PM

 Nagdadalamhati si Peterson sa pagkamatay ng kaniyang inang si Olivia.
Nagdadalamhati si Peterson sa pagkamatay ng kaniyang inang si Olivia. ABS-CBN

Matapos tuluyang iwan ni Rita (Yam Concepcion), isang taong malapit sa puso ni Peterson (JM de Guzman) ang susunod na mawawala sa kaniya.

Ang akala’y nagtatampo lamang na ina na si Olivia (Tetchie Agbayani) ay siya palang tuluyang pamamaalam nito sa anak. 

Sa “Mother’s Love” na episode ng “Init sa Magdamag,” ikinabigla ni Peterson na makitang wala nang buhay ang ina habang nakahiga sa kaniyang kuwarto.

Pinuntahan pa nito ang ina sa kuwarto upang suyuin dahil sa hindi pagkakaunawaan ngunit napansin nitong tila hindi na humihinga si Olivia. Nang kapain ang pulso nito sa kamay, doon na bumuhos ang luha nito dahil wala na ang kaniyang ina. 

Watch more on iWantTFC

Bago ito, nagkaroon pa ng hindi pagkakasundo ang mag-ina nang subukang hikayatin ni Olivia ang anak na samahan siyang pumunta sa Europa upang makapag-isip nang maayos at malayo kay Rita. 

Ngunit hindi sumang-ayon dito si Peterson dahil naramdaman nito na gusto lamang siyang palayuin ng ina kay Rita -- na itinuturing niyang buhay niya. 

Ayon kay Peterson, ang pagsasama nila ng asawa ang pinakamasayang araw sa buhay niya, na kumurot sa damdamin ni Olivia bilang isang nanay. 

Watch more on iWantTFC

Kaya naman sa huli, pinagsabihan ito ng anak na mag-isa na lamang umalis ng bansa dahil mananatili siya para sa pamilya niya -- umaasang magkakabalikan pa sila ni Rita. 

Bagamat hindi magaan ang kalooban sa asawa ng anak, tila napagtanto rin ni Olivia ang halaga ni Rita sa anak. Tinawagan niya ito at sinubukang pabalikin sa buhay ni Peterson.

Ngunit nanindigan si Rita sa kaniyang desisyon at sinabing mas mabuting magkahiwalay na sila ng asawa. 

Mapapanood ang “Init sa Magdamag” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, Jeepney TV, iWantTFC, WeTV, at iflix.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.