PatrolPH

Julia Montes, sumabak sa stunts training para sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2021 11:30 AM | Updated as of Aug 05 2021 11:34 AM

MAYNILA -- Muling pinahanga ni Julia Montes ang kanyang mga tagahanga sa paglabas ng video kung saan kita ang pagte-training niya ng action stunts para sa sikat na serye ng "FPJ's Ang Probinsyano" na pinagbibidahan ng aktor na si Coco Martin.

Sa Instagram, ibinahagi ng Muay Thai instructor na si Erwin Tagle ang video kung saan kita ang sabayang pagte-training nina Montes at Martin ng stunts na kakailanganin nila para sa mga maaaksiyon na eksena para sa serye ng ABS-CBN.

Video courtesy of Erwin Tagle. Instagram

Nakuha namang i-repost ng mga tagahanga nina Martin at Montes sa social media ang video na kuha rin ni Tagle kung saan kita ang mga matitinding action at fight stunts ni Montes.

Kinagiliwan din ng mga tagahanga nina Martin at Montes ang clip kung saan kita naman ang pagtuturo ng aktor sa napapabalitang nobya nito.

Sa ngayon ay puspusan na ang paghahanda ni Montes para sa muli niyang pagbabalik sa telebisyon.

Maliban sa target shooting, sumabak na rin sa motorcycle training si Montes.

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo na ng Dreamscape Entertainment ang muling pagsasama nina Montes at Martin.

Matatandaang unang nagkasama ang dalawa noong 2012 sa seryeng "Walang Hanggang." Huling proyekto sa telebisyon na pinagsamahan ng dalawa ay ang "Wansapanataym's Yamishita's Treasures" noong 2015.
 
Related video:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.