'Ang Probinsyano': 'Cardo,' matitikman ang bangis ni John Regala

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2016 03:38 PM

MANILA -- Kilala ang beteranong actor na si John Regala bilang isa sa mga pinakamatinik na kontrabida ng kanyang henerasyon.

Tinagurian siya bilang "bad boy" ng mga pelikulang Pilipino dahil sa kanyang husay sa pagganap bilang rapist, kriminal, tiwaling pulis, at marami pang iba.

Sa pelikula, pinahirapan niya ang mga kilalang actor tulad nila Ronnie Ricketts at Cesar Montano.

Bagama't ilang taon rin siyang nawala sa showbiz, muling nagbalik ang 51-taong gulang na aktor sa paggawa ng pelikula noong 2011.

Kabilang sa mga proyekto niya ay ang "Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story" na humakot ng parangal sa 2011 Metro Manila Film Festival.

Noong 2013, muli siyang bumalik sa telebisyon sa teleseryeng "Juan dela Cruz" na pinagbidahan ni Coco Martin na nakatrabaho rin niya sa indie film na "Kinatay."

Makalipas ang tatlong taon, muling magsasama sina Martin at Regala sa top-rating na teleseryeng "Ang Probinsyano." Gagampanan niya ang character ng isa sa mga kaalyado ng isang malaking sindikato.

Narito ang patikim ng mga nagbabagang eksena sa muling pagsasama ni Martin at Regala:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.