VIRAL: Gretchen Barretto at Atong Ang, magkasama sa sabungan

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2021 12:52 AM | Updated as of Aug 03 2021 01:04 AM

Kitang magkasama sa sabungan sina Gretchen Barretto at Atong Ang sa isang viral video, na umabot na sa 5,000 shares sa Facebook.

Sa naturang video, ang dating aktres ang tinutukoy na may-ari ng panlaban na si “Lady Tiger.” Kita naman na si Ang ang naging handler ng manok sa isang laban.

Ginanap noong July 30 ang nasabing event na 12-Stag Derby (4 Stag Prelim), ayon sa video na kuha mula sa WPC 2029, kung saan live napapanood ang sabong.

“Relationship goals,” hirit ng isang Facebook page na nag-post ng video, patungkol sa dati nang espekulasyon sa namamagitan kina Barretto at Ang.

Oktubre 2019 nang itanggi ni Ang na may relasyon sila ni Barretto, sa gitna noon ng alitan ng aktres at kapatid nitong si Marjorie.

Dati nang magkasyoso sa ilang negosyo sina Ang at Barretto, kabilang na ang pago-operate ng sabungan at casino. Ito ang tinurong dahilan ni Ang noon, kung kaya’t madalas din silang nagkakasama ni Barretto.

Hayag din ang aktres sa pag-post ng mga larawan nila ni Ang.

Pinakahuling nasangkot sa kontrobersya ang dalawa noong Nobyembre 2020, nang makuwestyon ang pagabisita nila sa Janiuay, Iloilo para makipagpulong sa sabong operators, dahil sa umano’y paglabag nito sa health protocols.