Bagong leading man ni Anne Curtis, ipinakilala na

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 07:02 PM

Sa bagong pelikulang 'Sid and Aya (Not a Love Story)' na pagbibidahan ni Anne Curtis, nagkaroon ng pag-eeksperimento sa pagpili ng mga bida, kasama na ang leading man ng Fil-Aussie actress at host.

Hindi naman akalain ni Curtis na si Dingdong Dantes pala ang kanyang makatatambal sa pelikulang ito na ginagawa sa direksiyon ng 'Camp Sawi' director na si Irene Villamor. 

"Nakakatuwa! I'm super duper excited! Iba naman," ayon kay Curtis. 

Mapanonood din si Dantes sa bagong Star Cinema movie kasama naman sina Cristine Reyes, Aga Muhlach, at Enrique Gil.

Kung may bagong pelikula naman sina Curtis at Dantes, nagbubunyi naman ngayon sa tagumpay ang bumubuo ng pelikulang 'Kita Kita'.

Mula sa isinugal na P10 milyon, tumubo ito at kumita ng P240 milyon. 

Umaapaw man ang kasiyahan ng cast at crew ng 'Kita Kita', naging emosyonal naman ang isa sa mga bida na si Alessandra de Rossi, dahil nais sana niyang mapanood siya at makasama niya ang kanyang mga magulang na nasa ibang bansa. 

Gayumpaman, sabik na rin siya sa magiging sunod na pelikula nila ni Empoy Marquez, at umaasang magiging pang-Oscars naman ito.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.