'Idol PH' winner Zephanie, napaiyak dahil sa kanyang ina

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 12:50 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA -- Napaiyak ang kauna-unahang kampeon ng "Idol Philippines" na si Zephanie Dimaranan sa pagpapasalamat nito sa kanyang inang si Richelle.

Sa pagbisita ni Zephanie sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes kasama ang kanyang ina, naging emosyonal ang dalaga nang magbahagi sa sakripisyo ng mga magulang para matulungan siyang maabot ang kanyang pangarap. 

"Alam ko po 'yung pinaghihirapan nina daddy at mommy, lalo na kapag ako 'yung may pangangailangan sa career ko. Kapag gusto kong ipagpatuloy 'yung pag-reach ko sa dream ko, sila 'yung naghahanap ng way. Para may panggastos sa damit, transportation, kahit nangungutang sila para lang sa akin. Minsan kasi hindi ako 'yung expressive na batang nagte-thank you ng personal, minsan letter lang or bibigyan ko sila ng something. Kaya kapag nagsabi ako ng ganito parang naiiyak po agad ako," ani Zephanie, 16 na tubong Laguna.

"Sobra po akong nagpapasalamat kay Lord na binigyan ako ni Lord ng parents na katulad nila. Pero hindi ko 'yon nae-express sa kanila. So, thank you mommy, kasi alam ko na kahit hindi ganun kalakas ang katawan mo, mabilis kang magkasakit, ay nagpupuyat ka para sa akin. Tapos ikaw 'yung naghahanap ng way para may mangyari, may papuntahan 'yung efforts natin ni daddy. Eto na, nandito na tayo, magkakaroon tayo ng magandang life kasi nagbunga ang lahat ng effort at paghihirap natin before. I love you 
and daddy," ani Zephanie na beterana na pagdating sa pagsali sa mga singing contest.

Sa programa, muli ring binalikan ni Zephanie ang pagsali niya noon sa ibang kompetisyon tulad ng "The Voice Kids" at "Tawag ng Tanghalan" kung saan nakalaban niya si Janine Berdin. 

Pag-amin ni Zephanie, dinamdam niya ang pagkatalo sa "The Voice Kids" na unang kompetisyon na sinalihan niya sa telebisyon. 

"Sobrang nakakabigla lang po since first competition ko 'yon sa TV. Grabe po 'yung parang naging sakit nun sa akin, sobra akong nasaktan," ani Zephanie.

Pagkatapos ng "The Voice Kids" ay sumali naman si Zephanie sa "Tawag ng Tanghalan."

"'Yung una kong laban sa TNT doon po talaga ako umiyak na parang hindi ko ulit na-accept na natalo ulit ako. Kasi nga akala ko kapag nag-try ulit ako baka 'yun na 'yung time ko, pero hindi pa pala. Pero masaya ako na si Ate Janine ang nakalaban ko kasi siya 'yung nag-champion doon. So masasabi ko na parang naging part din po ako ng journey niya," ani Zephanie.

At sa kabila ng mga pagkatalo, ipinagpatuloy ni Zephanie ang laban ng buhay para sa kanyang pamilya hanggang sa dumating ang kanyang oras at manalo bilang kauna-unahang "Idol Philippines."

"Siguro po kasi ever since po ay gusto ko talagang tumulong sa family namin, since ang dami namin, ang dami naming needs 'yung sa education namin. So nakikita po naming way para mas mapagaan at maging stable ang life namin is 'yung pagsali ko ng competition so ipinagpatuloy ko 'yon. So alam nila na may right time na darating and you just have to keep on trying," ani Zephanie na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sa 
kanyang pagkapanalo.

"Katulad ng sabi ko kanina sobrang dream come true siya na naging worth it lahat ng pagod, sacrifices at failures ko noon. Sobrang bagong feeling niya for me at hindi ako masyadong sanay. Dati lagi akong umiiyak, hindi tears of joy kung hindi sad. So 'yung mga times na 'yon, parang naging inspiration ko po and motivation yung failures na yon para mas maging strong po ako dito sa 'Idol Philippines,'" ani Zephanie.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.