Dulce, may payo para kay 'Idol PH' winner Zephanie Dimaranan

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 07:30 PM | Updated as of Jul 30 2019 08:18 PM

MAYNILA -- Tila muling nagbalik kay Dulce ang ilan sa mga naiwang aral na ibinahagi sa kanya ng yumaong si Rico J. Puno.

Kuwento ni Dulce, sa naganap na rehearsal para sa kanyang "Beyond Timeline" concert kasama sina Marco Sison at Rey Valera, hinding-hindi niya malilimutan ang payo ng namayapang singer na dala pa din niya hanggang ngayon.

"May isang bagay na naging bilin talaga sa akin si Rico J. Puno noon. Siyempre baguhan ka marami kang kanta na gusto mo kantahin, pero talagang sinabi sa akin ni Rico J na kahit na sukang-suka ka na sa kanta mo, kailangan kantahin mo 'yung kanta na nagbigay sa 'yo ng pangalan," aniya sa panayam.

Ang mga aral din na ito ang nais ibahagi ni Dulce sa baguhang singer na si Zephanie Dimaranan na itinanghal na kampeon sa katatapos lang na "Idol Philippines."

Watch more in iWant or TFC.tv

"Nakikita ko na very bright ang future ng batang ito. Ipagpatuloy lang niya ang pagiging masipag at pagiging mabuti, may lugar talaga siya sa industriyang ito at isa pa, sabi nga ni Rico J, huwag mo bibitawan ang awit na nagpasikat sa 'yo. Kaya 'yung binigay sa kanya ni Jonathan Manalo na very inspirational, huwag niyang bibitawan 'yun," sabi pa ni Dulce.

Bilang produkto din ng singing contest, hanga din daw ang beteranang singer sa pagpupursigi ni Zephanie na abutin ang kanyang pangarap. 

"Natutuwa ako para sa kanya. Kasi 'yung bata napakasigasig, galing na siya sa iba pang contest 'di ba? Lumaban na siya sa ‘The Voice’ tapos 'Tawag Ng Tanghalan' at talagang nagtiyaga siya hanggang mabigyan siya ng pagkakataon, at talagang kahanga-hanga," pahayag pa ng singer.

Si Dulce ang nagpasikat ng mga awiting "Ako Ang Nagwagi, Ako Ang Nasawi" at "Paano" na mapapakinggan sa "Beyond Timeline" concert sa darating na Agosto 3 sa Music Museum.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.