Alden Richards, inalala ang tulong na ibinigay ni Karla Estrada

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 11:36 AM | Updated as of Jul 30 2019 12:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi makakalimutan ni Alden Richards ang tulong na ibinigay sa kanya ni Karla Estrada.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, inalala ni Alden ang panahong gumawa ng paraan si Karla para matulungan siya sa kanyang problema sa trabaho.

Ayon kay Alden, si Karla na nakasama niya sa isang teleserye noon ang tumawag sa organizer ng isang event na hindi niya madadaluhan sa Laguna dahil kailangan niyang mag-taping sa Quezon City.
 
"Kasi title holder ako ng Ginoong Laguna way back 2010. Parang nagkakaproblema kami ng assistant ko ...kasi kailangan kong um-attend kasi ire-relinquish ko 'yung title, kumbaga ipapasa. Tapos nagtanong lang si Tita Karla, siguro na-overhear lang niya. 'Ano ang problema?' Sabi ko, 'Kasi Tita, ganito-ganyan, pinapapunta ako hindi ako makaalis.' Nasa QC kami noon, tapos sa Sta. Cruz, Laguna 'yung event. (Sabi ni Tita Karla) 'Halika, tatawagan ko kung sino ang dapat kausapin.' Sabi ko, 'Nakakahiya naman Tita Karla.' 'Hindi, hindi, papakiusapan lang natin.' So tinawagan po namin 'yung organizer, tapos kinausap ni Tita Karla, naayos po lahat. So nakapag-taping po ako, okay lang sa kanila na hindi ako makaka-attend. Hindi ko makakalimutan 'yon, Tita Karla," ani Alden.
 
Nagpasalamat naman si Karla sa naging pag-alala ni Alden at iginiit na masaya siya sa matagumpay na karera ng aktor.

"Thank you and I am very, very proud. At sobrang happy ako Alden sa nangyari sa iyo. I am very, very happy kasi mabait ka rin," ani Karla.

Bumisita si Alden sa "Magandang Buhay" para mag-anyaya na panoorin ang pelikulang "Hello, Love, Goodbye" na pinagbibidahan niya at ni Kathryn Bernardo, nobya ng panganay na anak ni Karla na si Daniel Padilla.

Sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina, magsisimulang ipalabas ang pelikula mula sa Star Cinema ngayong Miyerkoles, Hulyo 31.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.