BALIKAN: Kuwento ng buhay ni Pinay boxer Nesthy Petecio sa ‘MMK’

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 05:32 PM

BALIKAN: Kuwento ng buhay ni Pinay boxer Nesthy Petecio sa ‘MMK’ 1
Minsan nang naging tampok sa drama anthology na “Maalaala Mo Kaya” ang buhay ni Nesthy Petecio tulad ng Olympic champion na si Hidilyn Diaz. ABS-CBN

Buhay pa ang pag-asa ng Pinay boxer na si Nesthy Petecio na maibigay sa Pilipinas ang ikalawang ginto sa Olympic Games matapos matagumpay na makapasok sa medal round ng boxing sa Tokyo, Japan. 

Dahil sa panalo kontra sa kalabang Colombian nitong Miyerkoles, siguradong magkakamedalya na si Petecio, ang 2019 world champion, sa Olimpiyada. 

Minsan nang naging tampok sa drama anthology na “Maalaala Mo Kaya” ang buhay ni Petecio tulad ng Olympic champion na si Hidilyn Diaz. 

Binigyang-buhay ng aktres na si Jane de Leon ang kuwento ni Petecio na bata pa lamang ay naturuan na ng ama sa pagboboksing sa gitna ng kahirapan sa buhay.

“Walang Petecio na sumusuko,” ang isa sa mga linya na ama ni Nesthy na minsang pinangarap makarating sa Olympics.

Pinangako ng boksingero sa ama na huhusayan nito sa isport upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya at matupad ang pangarap ng kaniyang unang coach sa boksing. 

Isa sa mga unang laban ni Petecio noong nagsisimula ay kontra sa isang lalaki sa isang palaro sa plaza kung saan pinatumba nito ang katunggali. 

Napanood ito ng sports commissioner sa Mindanao na hindi pinalampas ang pagkakataon na maimbitahan ang nangangarap na atleta na makapasok sa national team.

Balikan ang kuwento ni Petecio na dumaan sa maraming pagsubok at nagyo'y magiging pinakabagong Olympic medalist ng bansa sa susunod na mga araw. 

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC