Girl power! Angel Locsin binalikan ang pagkakataong makita si Hidilyn Diaz

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 04:31 PM | Updated as of Jul 27 2021 05:23 PM

Hindi nagpahuli ang aktres na si Angel Locsin sa pagbibigay-pugay sa pinakaunang Olympic champion ng Pilipinas na si Hidilyn Diaz na minsan na niyang nakaharap sa personal.

Sa kaniyang Instagram account, inilabas ni Locsin ang litrato kasama si Diaz noong 2016 matapos manalo ang atleta ng pilak sa Rio Olympics. 

“Sana makapagpa-picture uli ako sayo. Saludo @hidilyndiaz!” maikling tugon nito sa caption. 

Marami ang natuwa sa nasabing post lalo pa’t parehas umanong simbolo ng katatagan at katapangan ng kababaihan ang dalawang icon. 

“What a beautiful photo!!! Girl Power,” saad ng brodkaster na si Karen Davila sa comment section. 

Nagkasama ang dalawa sa 2016 ABS-CBN Christmas Station ID kung saan binigyang pagkilala si Diaz sa nagawa nitong tagumpay sa Olympics. Tinuldukan noon ni Diaz ang 20 taong paghihintay ng Pilipinas para sa medalya sa Olympics. 

Sa video, sinorpresa ni Locsin si Diaz na nas gitna kunwari ng panayam. Dito sinabi ng weightlifter na proud siya na dalhin ang bandila ng bansa sa Olympics. 

Ibinahagi rin nito na nais niyang maging inspirasyon sa mga kabataan na maging kagaya niyang mahusay sa larangan ng isport. 

Higit sa lahat, isa si Diaz sa nagpatunay na kaya ng isang Pilipina na manalo ng medalya sa Olympics. 

Muli niya itong pinatunayan ngayong 2021 nang umukit siya ng kasaysayan bilang unang atletang Pilipino na nagwagi ng ginto sa pinakamalaking kompetisyon sa mundo. 

“Gusto ko ding patunayan sa kanila na hindi porket babae, hindi kaya,” saad ni Diaz sa station ID. 

Nitong Lunes, narinig sa kauna-unahang pagkakataon ang pambansang awit ng Pilipinas sa Olympics nang manguna si Diaz sa women’s 55kg weightlifting sa Tokyo, Japan. 

Related videos:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC