'Kaibigan ko siya eh': Joshua nagsalita sa umano'y pagdepensa niya kay Julia

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 07:02 PM | Updated as of Jul 27 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagsalita na ang aktor na si Joshua Garcia ukol sa pagbibigay niya ng suporta sa ex-girlfriend at dating ka-love team na si Julia Barretto matapos itong maugnay sa hiwalayan nina Gerald Anderson at Bea Alonzo.

Sa Instagram story na in-upload ni Barretto, makikita ang text message kung saan tila kino-comfort ni Garcia ang aktres.

Sa presscon ng kaniyang bagong teleserye na "The Killer Bride," sinabi ni Garcia na nakasuporta siya kay Barretto bilang kaibigan.

"Kaibigan ko siya eh, hindi naman siguro masama na ibigay ko 'yung suporta ko sa kaniya, kumbaga kalimutan muna natin 'yung problema, andito ako bilang kaibigan mo hindi para kung ano man," ani Garcia.

Maaalalang pinutakte ng negatibong comments sa social media si Barretto matapos silang pagbintangan ng pagtataksil ni Anderson.

Dumistansiya naman ang "The Killer Bride" lead actress na si Maja Salvador sa isyu.

"Ayoko nang sumali. Masaya ako. Ayoko sumali, ayokong sumagot. Kung puwede lang, wala na ako diyan," ani Salvador, na dati nang naugnay kay Anderson.

Noong Biyernes, sinabi na ni Alonzo na "moving forward" na siya sa gitna ng kontrobersiya.

Sa ngayon, hindi pa rin nagbibigay ng kanilang panig sina Anderson at Barretto.

-- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.