PatrolPH

Kim Molina, ibinahagi ang pinagmulan ni 'Dani Girl'

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 11:58 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA -- Laging pinag-uusapan ang kasikatan ng karakter ni Dimples Romana bilang si Daniela Mondragon o "Dani Girl" sa sikat na seryeng "Kadenang Ginto."

Pero alam niyo ba na ang kanyang kasamahan mismo sa serye na si Kim Molina ang nagbansag ng "Dani Girl" sa karakter ni Dimples?

Sa serye, ginagampanan ni Kim ang karakter ni Savannah Rosales o Savvy, matalik na kaibigan ni Daniela na siyang mortal na kaaway ni Romina Andrada-Mondragon (Beauty Gonzalez).

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, ibinahagi ni Kim ang kuwento tungkol sa pinagmulan ni "Dani Girl."

Ayon kay Kim, para maiba naman sa mga nakasanayang tawagan ng mga magkakaibigan, naisip niyang tawaging "Dani Girl" ang karakter ni Dimples base sa paborito niyang musical na may parehong pamagat.

Ang "Dani Girl" ay likha nina Michael Kooman at Christopher Dimond at tungkol ito sa isang batang babae na may sakit na leukemia.

"Kasi po ang nangyari diyan nung pilot episode na taping namin, kumbaga parang bata pa kami noon, teenager pa kami. Tapos halos lahat ng best friend roles puro 'mars' o 'bes' [ang tawag]. Since kontrabida kasi si Daniela, I thought of thinking something else para mabago naman. Since Daniela po siya, 'yung 'Dani Girl' kasi favorite musical ko siya na may rerun sa RCBC. Tapos po ayun! Kaya 'Dani Girl.' Nagulat kami na nasa script na po siya," kuwento ni Kim.

"Nagpaalam naman ako kay direk at saka kay ate Dimples, baka magulat siya kung bakit 'Dani Girl' ang tawag ko sa kanya. Pero ayun [pumayag naman]," dagdag niya.

Ayon pa kay Kim, isang araw ay lalabas sila ni Dimples para panoorin ang nasabing musikal.

"Tapos ang sabi ko kay Ate Dimples, since may rerun po siya sa August hanggang September I think, idi-date ko siya roon. Sabi ko, 'Uy, dadalhin kita roon sa 'Dani Girl' the musical para naman malaman mo kung saan kita ipinangalan. So 'yun lalabas kami, idi-date ko siya one of these days doon sa musical," ani Kim na ibinahagi rin ang magandang samahan nila ni Dimples bilang magkaibigan.

Aniya, itinuturing niyang isang mentor si Dimples.

"Si ate Dimples sa akin ngayon hindi lang siya co-star o kasa-kasama sa trabaho. Lahat ng tungkol sa akin ay alam niya... She's my mentor. I would tell her that she's my mentor," ani Kim na hanga sa galing ni Dimples sa pagbibigay ng payo tungkol sa buhay.

Maliban sa "Kadenang Ginto," parte rin si Kim ng "The General's Daughter" kung saan bida si Angel Locsin, ang matalik na kaibigan ni Dimples.

Bida rin si Kim sa digital film na "Momol Nights" at sa nagbabalik na Pinoy musical na "Rak of Aegis."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.