Rafael Rosell, nais na makatrabaho muli sina Jodi at Denise

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 12:05 PM

MANILA -- Bukas ang nagbabalik-Kapamilya na si Rafael Rosell sa posibilida na makasama muli sa proyekto si Jodi Sta. Maria at ang dati nitong ka-love team na si Denise Laurel.

Sa "Tonight With Boy Abunda" nitong Miyerkoles, nagbigay ng kanyang saloobin ang aktor sa mga nakatakda niyang gawin.

Watch more in iWant or TFC.tv

"As of now pina-finalize lang po namin 'yung mga upcoming projects but that's all I can disclose for now. Sana abangan niyo because it's really going to be fun," ani Rafael bilang tugon sa tanong ng isang netizen kung magbabalik-tambalan ba sila sa Kapamilya network.

Matatandaang nagsama sina Denise at Rafael noong 2010 para sa "Precious Hearts Romances Presents: Midnight Phantom" at "Precious Hearts Romances Presents: Martha Cecilia's Kristine" noong 2011.

Sa ngayon ay parte si Denise ng sikat na seryeng "FPJ's Ang Probinsyano."

Maliban kay Denise, nakasama rin ni Rafael si Jodi sa 2011 na seryeng "100 Days To Heaven." Ayon kay Rafael, bukas din siya na makasama muli sa isang proyekto si Jodi na ngayon ay bida ng seryeng "Sino Ang May Sala?: Mea Culpa."

"I would love too. Ang tagal ko ring hindi nakakatrabaho si Jodi. Ang sarap ng trabaho namin sa '100 Days To Heaven.' Very powerful actress, iba ang caliber niya," ani Rafael.

Para sa kanyang pagbabalik sa ABS-CBN matapos ang pitong taon, matutunghayan si Rafael sa natatangi niyang pagganap sa "Ipaglaban Mo" kasama si JM de Guzman, ngayong Sabado, Hulyo 27.