Cathy Garcia-Molina, humingi ng dispensa sa mga OFW sa Hong Kong

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 08:16 PM

MAYNILA -- Hindi naging madali para sa direktor na si Cathy Garcia-Molina ang kanilang pinagdaanan sa shooting ng "Hello, Love, Goodbye" sa Hong Kong.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa kanya, isa sa naging kalaban nila ang ilang overseas Filipino worker (OFW) doon na pilit kumukuha ng pagkakataon para makapagpa-picture sa mga bidang sina Kathryn Bernardo at Alden Richards.

"Every time we shoot abroad, it's really a test of character," ani Direk Cathy.

Dito naikuwento niya ang isang insidente na hinabol niya ang isang OFW na nagpa-picture kay Kathryn.

Alam ko naman na hindi alam ng mga Pilipino na on-take kami, so dumaan sila e naka-take na ako tapos nagpa-picture kay Kath. E sabi ni Kath, 'Sandali lang po hindi po pwede naka-roll po kami.' Tapos parang sinabi, 'Naku, ang sungit naman nito' gumanon. Sabi ko, 'Hindi naman po sa suplada.' Hinabol ko talaga," kuwento ni Direk Cathy.

Paliwanag pa niya: "Hindi din kasi nila naiintindihan na baka may masayang na time, baka mapalayas kami doon sa location," sabi pa niya.

Humingi din ng dispensa si Direk Cathy sa mga dismayadong kababayan na hindi nila napagbigyan na makapag-picture sa kanilang idolo.

Kung mayroon man daw mga sabik na makapagpa-picture na mga Pilipino, saludo din ang direktor sa ilang OFW na nagbigay oras para tumulong sa kanila.

"Mayroon kaming isang eksena doon sa Hong Kong Central, kung gaano karami ang 'yung nakita niyong matino doon sa eksena, ganun karami din ang napakiusapan namin at nakisama, kaya maraming, maraming salamat," pahayag niya.

Mapapanood na ang "Hello, Love, Goodbye" simula Hulyo 31.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.