'Amazing Ving' ni Awra, namayagpag sa ratings

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2017 04:13 PM

MAYNILA -- Naging matagumpay ang pag-uumpisa ng kuwento ng kabayanihan ni Ving sa “Wansapanataym Presents: Amazing Ving," na pinagbibidahan ng batang aktor na si McNeal "Awra" Briguela.

Patunay dito ang pagiging una nito sa national TV ratings nitong Linggo.

Ayon sa datos na inilabas ng Kantar Media, nagkamit ang unang episode nito ng national TV rating na 28.8%, kumpara sa katapat nitong “Daig Ka ng Lola Ko” na nakakuha lamang ng 18.5%. 

Naging usap-usapan din ito sa social media matapos umani ng ilang libong tweets ang official hashtag ng palabas na #WansaAmazingVing.

Sa unang episode, ipinakilala na ang karakter ni Awra na si Ving, isang batang nagpapamalas ng kagandahang asal at pagmamalasakit sa kapwa. 

Agad namang humarap sa pagsubok si Ving nang patayin ni Reptilya (Bianca Manalo) ang kanyang inang si Soffy (Carmi Martin) habang patungo sila sa isang outreach program. 

Muntik na rin malagay sa panganib ang kanyang buhay pero sa tulong ni Super Bing (Ellen Adarna), naligtas si Ving mula sa kapahamakan.

Kasama rin sa cast ng nasabing serye sina Kisses Delavin, Marco Gallo, AC Bonifacio, Ria Atayde at Roderick Paulate. 

Abangan ang kuwento ni "Amazing Ving" sa "Wansapanataym" tuwing Linggo pagkatapos ng “The Voice Teens” sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.