Nadine Lustre, game makipagsabayan ng acting kay Kathryn Bernardo

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 12:56 PM | Updated as of Jul 23 2019 01:04 PM

MAYNILA -- Hindi isinasara ni Nadine Lustre ang posibilidad na magsama sila sa isang pelikula ni Kathryn Bernardo.

Kasunod ito nang tila pagkukumpara kay Nadine at Kathryn bilang bagong henerasyon ng Nora Aunor at Vilma Santos na kapwa nagpapaligsahan ngayon sa pagsungkit ng Best Actress awards sa iba't ibang award-giving bodies.

Ayon kay Nadine, handa siyang tanggapin kung sakaling mayroong nakalaan na proyekto para sa kanila.

"Bakit naman po hindi, 'di ba? Kung mayroon namang magandang material para sa aming dalawa. I mean hindi naman kami (magka-away), okay naman po kami e hindi naman kami nag-aaway in real life. So I guess, okay naman," sabi pa ni Nadine sa panayam ng ABS-CBN News at ilan pang miyembro ng entertainement press.

Matatandaan na pnasungkit ngayong taon ni Nadine ang best actress awards sa Famas at Gawad Urian para sa "Never Not Love You." Samantala dalawa rin ngayong taon ang nakuha ni Kathryn, ang PMPC Star Awards, at ang The Eddy's, para sa "The Hows of Us."

Ayon pa kay Nadine, naniniwala din siya na nagkataon lang ang mga parangal sa kanya at walang nakikitang kompetisyon sa pagitan nila ni Kathryn.

"I guess maybe, it's my time lang now, I don't think its gonna be forever like that. Like what I said before, iba-iba kami pero baka ngayon lang siguro 'yung moment ko, next time iba naman," pahayag pa ng aktres.

Sa ngayon, kapwa abala sina Nadine at Kathryn sa kani-kanilang mga pelikula -- ang "Indak" ang kay Nadine, at "Hello, Love, Goodbye" naman ang kay Kathryn. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.