PatrolPH

Maris Racal binalikan ang ilang eksena niya noon sa ‘Pinoy Big Brother’

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2021 09:42 PM | Updated as of Jul 23 2021 02:19 AM

Maris Racal binalikan ang ilang eksena niya noon sa ‘Pinoy Big Brother’ 1
Screenshot mula sa vlog ni Maris Racal

Pitong taon simula nang lumabas sa pamosong Bahay ni Kuya, binalikan ng aktres at mang-aawit na si Maris Racal ang mga tagpo sa kaniyang “Pinoy Big Brother” journey kung saan hindi nito napigilan matawa sa ilang mga eksena.

Sa kaniyang vlog, gumawa ng reaction video si Racal sa mga piling episode ng “PBB All In” kung saan nagtapos siyang second big placer sa likod ng nanalong si Daniel Matsunaga. 

“Hindi ko pa pinapanood ang season namin. Ni isang episode wala akong pinanood kasi hindi ko masikmura manood ni isa kasi nahihiya talaga ako,” saad ni Racal sa panimula ng vlog.

Una nitong napanood ang video ng pagpasok ni Piolo Pascual sa loob ng Bahay kung saan kumanta ang aktres ng “Hawak Kamay.”

“Parang batang nagpapakitang gilas,” natatawang saad ni Maris na kalauna’y naging ka-loveteam ang anak ni Pascual na si Iñigo sa showbiz. 

Watch more on iWantTFC

Ngunit higit na natawa at pabirong nandiri si Racal sa episode kung saan umarte siya kasama si Paulo Avelino. 

“Bakit naman ganun ‘yung pagkakasabi ko? Oh my Gosh. Kadiri. Akala ko ang galing ko. Bakit naman Maris ganun? Akala ko gagalingan ko tapos yuck,” tawang-tawang ani Racal. 

“Yung mukha ni Paulo Avelino parang natatawa. Feeling ko ang galing-galing ko. Pero guys, nanalo ako sa challenge na ito,” pahabol nito. 

Makailang ulit din siyang umawit sa Bahay ni Kuya na sa tingin niya ay maaaring simula na ng pagpapakilala niya sa music industry. 

“Nakakatuwa mag-look back para nakaka-reflect ka rin na grabe yung changes na nangyari sayo, yung maturity, yung confidence. Proud ako sa journey ko sa PBB,” pagtatapos ni Racal. 

Naging instrumento ni Maris ang PBB upang tuluyang mapasok ang showbiz kung saan napanood siya sa maraming serye at pelikula tulad ng “Pamilya Ko” at “Hanggang Saan.”

Sa ngayon, abala ito sa kaniyang karera sa musika lalo pa’t kalalabas lamang ng kaniyang bagong single na “Ate Sandali!” 

Noong Mayo, inamin ni Maris ang relasyon nila ng OPM icon na si Rico Blanco, ilang buwan nang magsimula ang usap-usapang nag-uugnay sa kanila.

Related videos:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.