Jessy Mendiola, pinuri ang pagtulong ni Luis Manzano sa mga apektadong empleyado ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 11:30 AM | Updated as of Jul 22 2020 12:05 PM

MAYNILA -- Pinuri ng aktres na si Jessy Mendiola ang nobyo nitong si Luis Manzano dahil sa pagtulong nito sa mga empleyado ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho matapos na tuluyang hindi bigyan ng bagong prangkisa ang network.

Sa Instagram Stories post ni Mendiola nitong Martes, ibinahagi niya na ilang araw nang abala si Luis kasama ang mga kaibigan nito sa pag-organisa ng isang job fair group para matulungang makahanap ng bagong trabaho ang mga natanggal na manggagawa ng ABS-CBN.

“This man has been working on the phone for the past 3 days. Meron siyang ginagawang job fair group kasama ang iba niyang mga kaibigan para mailipat at makatulong sa ibang Kapamilya employees na nawalan ng trabaho. Alam ko na hindi ko na dapat ito i-post, pero sobrang proud ako sa ’yo, love. You’ve been putting others first before yourself,” ani Mendiola.

Ayon pa sa aktres, unang reaksiyon ni Luis nang mawala ang prangkisa ng ABS-CBN ay ang kalagayan ng kanyang mga kasama sa iba't ibang programa. 

“Ang pinakaunang reaksyon mo nung nahatulan ang denial ng franchise renewal ‘paano ang staff ko?’ (meaning paano raw yung staff niya sa mga shows niya). Hindi ka nagpo-post about it kaya ako na lang," aniya.

Si Luis ang host ng "I Can See Your Voice." Kasalukuyan din siyang host ng "The Voice Teens" kung saan kasama niya si Toni Gonzaga na kasama rin niyang bida sa sitcom naman na "Home Sweetie Home: Extra Sweet."

Ayon kay Jessy, tumutulong si Luis sa mga nawalan ng trabaho, taliwas sa pagpuna ng iba na tahimik lang ang aktor sa gitna nang pinagdadaanan ngayon ng ABS-CBN at mga empleyado nito.

“Sinasabi ng iba, tahimik ka lang daw sa kasagsagan ng nangyayari. Ang hindi nila alam, gumagalaw ka na pala para sa mga mawalan ng trabaho. Hindi man lahat matutulungan mo, ang importante, ginagawa mo lahat abot sa makakaya mo. Sobrang buti ng puso mo. Sobrang thankful namin sa 'yo. Maraming salamat Lucky Manzano. Mahal na mahal ka namin,” ani Jessy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.