Fan gumuhit ng portrait ni Angel Locsin bilang suporta sa aktres, ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 02:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Isang tagahanga ang gumuhit ng portrait ni Angel Locsin bilang paghayag ng suporta sa aktres at sa ABS-CBN kasunod ng pagpatay sa franchise application ng network.

Tampok sa mga ginuhit na larawan si Locsin na may suot na gown at background na hango sa mga kulay ng ABS-CBN logo.

Ayon kay Jon Kenneth Bascon, ang gumuhit ng portrait, ang pagguhit sa larawan ang paraan upang maipakita niya ang paghanga at suporta sa aktres at sa Kapamilya network.

"Pastime ko na rin 'yong pagdo-drawing kaya naisipan ko po na i-drawing ko 'yong idolo ko po na si Angel Locsin saka nilagay ko po 'yong background na ABS-CBN for showing support sa network," ani Bascon sa panayam ng Teleradyo.

Nais umano ni Bascon na maibigay kay Locsin ang portrait.

Aminado si Bascon na nasaktan siya nang patayin ang franchise application ng ABS-CBN, dahilan para tumigil ang broadcast operations ng network at mawalan ng trabaho ang maraming manggagawa.

"Noong bata po ako, 'yon (ABS-CBN) po 'yong parang naging tahanan ko na rin, which is sinusubaybayan ko 'yong mga programa niyo po," ani Bascon.

"Nagdadasal din po ako na sana maayos po 'yong lahat ng gusot po sa network niyo po ngayon."

Kabilang umano sa mga paboritong programa ni Bascon sa network ang "May Bukas Pa" at "Super Inggo."

Noong Hulyo 10, pinatay ng House committee on legislative franchises ang aplikasyon ng ABS-CBN Corp. para sa panibagong 25-year franchise kahit hindi naman ito nakitaan ng paglabag sa anumang regulasyon o batas ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.