Julia, Gerald pinutakte sa social media dahil sa post ni Bea; Marjorie pumalag

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 07:48 PM | Updated as of Jul 22 2019 10:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Top trending topic sa social media simula Linggo sina Bea Alonzo, Gerald Anderson, Julia Barretto, at Joshua Garcia dahil sa isang kontrobersiyal at makahulugang post sa Instagram.

Pasado alas-6 ng gabi ng Linggo ay nag-post si Alonzo ng itim na larawan na tila napuno na sa paulit-ulit na pagkakamali ng hindi niya tinukoy na idibidwal.

"You can't make the same mistake twice, the second time you make it, it's not a mistake anymore, it's a choice. ENOUGH!" ani Alonzo sa kaniyang caption.

Pero bago pa nito, napansin ng netizens na ni-like ni Alonzo ang mga Instagram post ng isang fan account na pinagbibintangan ang kaniyang nobyo na si Anderson at aktres na si Barretto na magkasama umanong umuwi matapos ang party ni Rayver Cruz noong Sabado.

Pati si Garcia, nag-post din ng makahulugang mensahe sa Instagram na kalaunan ay binura niya.

Dahil sa pinagtagpi-tagping pangyayari, inisip ng netizens na naghiwalay na sina Anderson at Alonzo, at si Barretto ang dahilan nito.

Agad pinutakte ng fans nina Alonzo at Garcia ang Instagram accounts nina Anderson at Barretto.

Napilitan si Barretto na itago ang mga komento sa kaniyang posts dahil tinadtad ito ng mga negatibong mensahe.

Marami ring celebrities ang nagbigay ng mensahe kay Alonzo gaya nina Kris Aquino, Dawn Zulueta, Angelica Panganiban, Loisa Andalio, at Andrea Brillantes.

Pati ang mismong tiyahin ni Julia na si Gretchen Barretto, nagpahayag ng suporta kay Alonzo.

Maaalalang may iringan ngayon sina Gretchen at kapatid nitong si Marjorie Barretto, ina ni Julia.

Samantala, pumalag naman si Marjorie at ipinagtanggol ang anak niya na umano'y biktima ng malisyosong bintang ng netizens.

Sabi ni Marjorie, natural lang ang samahan ng anak niya at ni Anderson dahil nagkaroon sila ng proyektong "Between Maybes."

Dahil dito, pinag-iisipan na umano ni Marjorie na sampahan ng kaso ang netizen na naunang nagbintang ng pagtataksil sa kaniyang anak at kay Anderson.

Sa ngayon, tikom pa ang mga bibig ng lahat ng mga dawit sa isyu.


—Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.