‘Ang Probinsyano’: Cardo pinalalayas na ni Lia matapos ang pagtatraydor

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2021 04:34 PM

Watch more on iWantTFC


Poot dahil sa pangtatraydor ni Cardo Dalisay (Coco Martin) ang nararamdaman ni Lia (Jane de Leon) kaya tuluyan na nitong tinuldukan ang pagtulong niya sa Task Force Agila na pinapaalis na nito sa kanilang tahanan.

Sa “Makasarili” episode ng “Ang Probinsyano,” malalim ang iniisip ni Cardo habang hindi pa nakakabalik si Lia sa kanilang pinagtataguan, tila binabagabag ng desisyon niyang lusubin ang headquarters ng Black Ops. 

Napansin ito ng kaniyang Lolo Delfin (Jaime Fabregas), ngunit pinanindigan nitong wala itong ginawa at iniisip lamang kung hanggang kailan sila mananatili sa bahay nina Lia. 

Nang dumating si Lia, galit nitong hinanap si Cardo bago niya ito sinampal kung saan nagkatutukan pa ng baril dahil sa pagkabigla ng Task Force Agila.

Doon ibinunyag ng miyembro ng Black Ops na nakita nito ang pagsugod ni Cardo sa headquarters at walang habas na pinagbabaril ang kaniyang mga kasamahan. 

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC

]

Matapang din ang buwelta ni Dalisay na sinabing tama lamang ang sinapit ng Black Ops bilang hustisya sa pagkamatay ng kaniyang asawa na si Alyana (Yassi Pressman). 

“Magkalaban pa rin tayo,” pagbibigay diin ni Cardo. 

Dahil dito, pinagsisisihan ni Lia na pinagkatiwalaan nito si Cardo dahil wala aniya itong isang salita. 

“Ngayong maayos na lagay n'yo, bukas na bukas, makakaalis na kayong lahat. At ituring n'yo na rin akong kalaban,” saad ni Lia bago tuluyang umalis. 

Hindi rin nagustuhan ng mga kasamahan ni Cardo ang kaniyang ginawa kasama si Ramil (Michael de Mesa) dahil inilagay ng dalawa sa kapahamakan ang buong grupo. 

Sa sama ng loob, hindi napigilan nina Diana at Roxanne na tawaging makasarili si Cardo dahil sa padalos-dalos nitong desisyon. 

Abangan ang susunod na episode ng “Ang Probinsyano” sa Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, TV5, CineMo, iWant TFC, TFC, WeTV, at iflix.