Catriona Gray pinatutunton sa NBI ang nagkalat ng kaniyang pekeng topless pic

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2020 08:44 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Dumulog na sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila si Miss Universe 2018 Catriona Gray para mapanagot ang netizen na nag-post ng kaniyang pekeng malaswang retrato. 

Kasama ang kaniyang mga abogado, personal na nagtungo sa NBI si Gray para ireklamo ang nasa likod ng kumakalat niyang pekeng larawan sa social media. 

Nauna nang sinabi ng kampo ni Gray na "digitally-altered" o peke ang malaswang topless photo ng dating Miss Universe.

Hinarap si Gray ni NBI deputy director Vicente De Guzman kung saan idinetalye nito ang pinagmulan ng kaniyang reklamo. 

Ayon sa abogado ni Gray na si Christopher Liquigan, labis na nasaktan si Gray sa pagkalat ng pekeng larawan nito. 

Malisyoso aniya ang pagka-post ng larawan na hindi naman talaga siya at halatang pineke. 

Nangako naman ang NBI na gagawin nila ang lahat ng makakaya nito para matunton at mapanagot ang taong responsable dito na layong sirain ang imahe ng beauty queen. 

Ang NBI Anti-Cybercrime Division ang naatasang humawak sa reklamo ni Gray.

—Ulat nina Johnson Manabat at MJ Felipe, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.