Yassi Pressman, nagpaabot ng pakikiisa sa lahat ng Kapamilya

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 11:27 AM

MAYNILA -- Nakiisa ang aktres na si Yassi Pressman sa panawagan na ibalik ang ABS-CBN.

Sa Instagram, ibinahagi ni Yassi ang sakit na nararamdaman para sa nangyari sa ABS-CBN at sa mga empleyado nito. 

Noong nakaraang linggo nagsimula na ang pagbabawas sa mga manggagawa ng ABS-CBN matapos na patayin ng 70 mambabatas ang panukalang batas na layong magbigay ng bagong prangkisa sa network.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Yassi Pressman (@yassipressman) on

"Paano na kami? Pero mas... Paano na sila? 'Yan ang tanong na ulit-ulit kong tinatanong sa sarili ko matapos naming lahat mapanuod ang pagpatay sa network namin," ani Yassi.

"Umiiyak kaming lahat, nag-aalala kaming lahat, nawalan kaming lahat," dagdag ng aktres. 

Hindi nakadalo sa naganap na noise barrage ang aktres para sa ABS-CBN at mga empleyado nito noong Sabado, Hulyo 18, pero giit niya, kaisa siya ng mga Kapamilya.

"Hindi man ako makapunta kagabi, sa dasal, sa puso at sa isip ko kasama ko po kayo. Sana may pagkakataon pa... kasi po, paano naman sila?" ani Yassi.

Si Yassi ang isa mga bituin ng sikat na seryeng "FPJ's Ang Probinsyano" kung saan ang kanyang karakter ay asawa ng bidang karakter na si Cardo Dalisay na ginagampanan naman ni Coco Martin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.