Iza Calzado, nakikiisa sa dalamhati at laban ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2020 02:28 PM

MAYNILA -- Pangako ng aktres na si Iza Calzado na hindi siya mananahimik lamang sa krisis na hinaharap ng ABS-CBN at mga empleyado nito.

Sa Instagram nitong Linggo, Hulyo 19, ibinahagi ni Iza ang larawan nila ni Jodi Sta. Maria kung saan kita ang pagtirik nila ng kandila na alay nila para sa network at mga manggagawa nito.

Paliwanag ni Iza, hindi sila nakadalo sa nangyaring noise barrage noong Sabado dahil sa naka-lock-in taping sila para sa paparating na serye na "Ang Sa Iyo Ay Akin."

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Iza Calzado Wintle (@missizacalzado) on

"Nasa lock-in taping man kami ng 'Ang Sa Iyo Ay Akin,' nakiisa kami sa motorcade at sa pagkilos laban sa nagpapasara ng ating tahanan," ani Iza.

"Patuloy kaming nagsisilbi sa inyo mga Kapamilya at handang ipaglaban lalo na ang mga kasamahan nating hindi dapat inaalisan ng kabuhayan lalo na ngayong panahon ng pandemya," dagdag ng aktres.

Iginiit ni Iza ang pakikiisa sa lungkot at laban ng mga Kapamilya.

"Kami ay nakikiisa sa pagdadalamhati at paglaban ng Kapamilya! Dahil kung nagawa nila 'yan sa atin ay magagawa nila iyan kahit kanino man. Hindi tayo mananahimik lamang," ani Iza.

Noong nakaraang linggo ay inilabas na ng ABS-CBN ang pahayag sa pagbabawas ng manggagawa matapos na ibasura ng Kongreso ang pagbibigay sa bagong prangkisa.

Matatandaang 11 mambabatas lang ang matapang na bumoto para bigyan pa ng isang pagkakataon ang Kapamilya network, samantalang 70 mambabatas ang tuluyang pumatay sa panukalang batas na magbibigay sana ng prangkisa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.