Coco, ilan pang 'Ang Probinsyano' cast, tumulak pa-London

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 12:50 AM

Tumungo papuntang London ang ilang cast ng top-rating serye na "FPJ's Ang Probinsyano" sa pangunguna ni Coco Martin para sa 34th Barrio Fiesta event sa London na gaganapin mula July 21 hanggang 22.

Kasama ni Martin ang kaniyang co-stars na sina Yassi Pressman, John Prats, at mag-amang dating Senador Lito Lapid at Mark. 

Hindi mapigilan ni Martin na ma-excite lalo na at makakasama niya raw sa pagkanta ang dating senador. 

Natuwa si Martin sa laki ng tinulong ng kaniyang halos tatlong taon nang programa para sa iba niyang co-stars.

"Nakakatuwa kasi napakaraming artista kaming natulungan at nabigyan ulit ng oportunidad. Sabi ko nga ito naman 'yung pagkakataon na kami naman ang magpapasalamat sa tao," aniya. 

"Sobrang excited kasi ito 'yung time na makapagpasalamat naman tayo sa ating mga kababayan... First time makikita nila magdu-duet kami ni Senator Lapid," aniya bago ang kaniyang flight ngayong Huwebes.

Hindi naman nag-alangan si Lapid na tanggapin ang duet nila para mapasaya ang kanilang fans. 

"Alam mo na hindi natin mapahindian si Coco, boss natin 'yan, at 'yung mga kapamilya natin sa London, kailangan magbigay tayo ng saya sa kanila," sabi niya. 

Bagaman tinututukan naman ang kasalukuyang ka-love team ni Martin sa programa si Pressman, iginiit ni Pressman na 'beso' lamang ang nangyari sa kanila ni Martin sa isang viral na photo. 

"'Pag napanood niyo po 'yun, mabilis lang 'yun. Nakuha lang po sigurong ganu'n pero wala po. Beso lang," paliwanag niya. 


-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.